TATANGGAPIN ba o hindi? Iyan ang katanungan. Pormal na hinirang ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si Vice Pres. Leni Robredo bilang isa sa mga puno ng intergency body sa illegal drugs. Siya ang lider ng oposisyon at kritiko ng war on drugs. Sabi nga ni Shakespeare “To be or not to be”? That’s the question.

Ang posisyong ibibigay kay VP Leni, ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, ay may ranggo ng cabinet secretary. Magiging co-chairperson siya ng Inter-Agency Committee on Anti- Illegal Drug (ICAD) hanggang sa pagtatapos ng termino ni PRRD sa 2022. Habang sinusulat ko ito, wala pang tugon si beautiful Leni sa alok ng ating Pangulo.

Inatasan ni PDu30 ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), Dangerous Drugs Board (DDB) at iba pang ahensiya ng pamahalaan, na tulungan si Robredo upang masiguro ang tagumpay ng gobyerno sa giyera laban sa iligal na droga.

Nagtataka naman ang kampo ni Robredo kung bakit siya ay hinirang lang bilang co-chairperson ng ICAD kasama si PDEA director general Aaron Aquino sa halip na drug czar o puno ng drug war. Ayon kay lawyer Barry Gutierrez, spokesman ni VP Leni. laging handa at willing naman si Robredo na makipagtulungan sa gobyerno sa pagpuksa ng illegal drugs sa Pilipinas.

Nilinaw ni Robredo na hindi siya salungat sa paglaban at pagpuksa ng Duterte administration sa iligal na droga. Ang nais niya ay “tweaking” o pagbabago ng estratehiya/ taktika sa paglaban sa iligal na droga sapagkat libu-libo nang drug pushers at users ang napapatay, pero hanggang ngayon ay laganap pa rin ang drug addiction sa bansa.

oOo

Nirekomenda ng 19 senador na sampahan ng graft at drug charges si ex-PNP chief Oscar Albayalde at ang 12 “ninja cops” kaugnay ng umano’y pag-recycle sa P650 milyong halaga ng shabu noong 2013. Si Albayalde ang PNP provincial commander sa Pampanga nang maganap ang drug sting sa Mexico, Pampanga. Siya ay magreretiro bukas (Nob 8) sa edad na 56.

Nilagdaan ng 19 senador ang Committee Report 17 ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Richard Gordon noong Martes matapos ang mga pagdinig tungkol sa “ninja cops.” Ang mga lumagda ay sina Gordon, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Minority Leader Franklin Drilon at Sens. Sonny Angara, Nancy Binay, Pia Cayetano, Sherwin Gatchalian, Bong Go, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Leila de Lima, Imee Marcos, Manny Pacquiao, Koko Pimentel, Grace Poe, Bong Revilla, Francis Tolentino at Cynthia Villar.

Ayon nga sa mga mamamayan at netizen, papaano magtatagumpay ang masidhing layunin ng Pangulo na sugpuin ang salot ng iligal na droga sa Pilipinas kung mismong ang mga tauhan ng PNP na dinoble na niya ang sahod, ay sangkot at nangunguna pa sa illegal drug trade, pagre-recycle ng mga nasabat na droga.

Sabi pa nila, mahirap masawata ang epidemya ng illegal drugs habang habang may nakapupuslit na bultu-bultong droga na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso sa Bureau of Customs, at patuloy na naghahari at nakapagnenegosyo ng bawal na gamot ang mga drug lord sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).

-Bert de Guzman