NOONG nagdaang linggo, nadantayan ng aking kolum ang hindi humuhilum na sugat ng “riding in tandem” (RIT) sa ating lipunan. Napapabayaan ang modus sa mabilisang krimen dahil tinututulan ng mga mahihilig sa motor ang kahit anong panukala upang malumpo ang mga killers-for hire, hablot-bag, motor-napers at iba pa.
Itinuturing ng mga riders, motorcycle clubs at big-bike federation sa buong bansa na sagrado ang kanilang sasakyan, at kinagigiliwang libangan. Parang katulad yan sa mga taong nagsusuot ng “wig” o piluka. Pag-usapan at gawin na lahat ng dapat, basta huwag lang titigan at hawakan ang kunwaring “buhok” nila. Magkakamatayan tayong lahat! Ganitong-ganito ang turing ng mga riders sa kanilang motorsiklo. Kung tutuusin, ang batas hindi pinanday para bakahin ang mga anghel -- taong matitino, masunurin at may galang sa lipunang ginagalawan. Ang batas, at anu pa mang alituntunin o reglamento, ay upang masawata ang mga kampon ni Satanas. Para magkaroon ng disiplina, kaayusan, at katiwasayan sa ating bansa.
Liban pa sa mga nauna ko nang mungkahi, halimbawa, reflectorized plaka-vest, at pinalaking plaka ng motor, mainam din na magkaroon ng tinaguriang ‘Quick Reaction Rider Cops’ (QRRC) na bumabaybay sa mga lansangan sa mga kilalang tapunan ng krimen, madidilim na eskinita. O kahit magtanod sa mga matataong lugar para sa ‘high visibility’ at ‘high mobility’. Maaaring maging reyalidad ito kung iwas muna sa pagbili ng bagong patrol cars na tulad ng Mitsubishi police vehicles. Mga sasakyan na nasa P1.5 milyong piso? Nguni’t mabilis bang maka-responde ang ganitong uri na behikulo ‘pag may tawag, text o alarma ng krimen? O siguradong ipit sa usad-pagong na trapiko sa ating kalsada? Kahit magwang-wang sila. Hindi ba mas mainam kung ang mga ganitong kamahal na sasakyan ay gastusin na lang sa pagkuha ng maraming police motorcycles? ‘Di ba nga ang problema yang mga kriminal na mabilis kumaripas sa trapiko, eh hindi ba tama rin na ang solusyon ay ipalaganap ang maraming pulis riders at motorsiklo.
-Erik Espina