NAGBABALIK ang “Panit Bukog” Exhibit sa lungsod ng Cagayan de Oro, para sa buong buwan ng Nobyembre.

Inorganisa ng National Commission for Culture and the Arts’ (NCCA) National Committee on Visual Arts, itatampok sa exhibit ang realidad ng Mindanaoan sa pamamagitan ng malikhaing sining.

Maaaring masilayan ang exhibit hanggang Nobyembre 30, na bubuksan sa Xavier University – Ateneo de Cagayan’s Museo de Oro sa Nobyembre 7, sa Capitol University’s Museum of Three Cultures sa Nobyembre 8 at sa SM Downtown Premier sa Nobyembre 9.

Nasa ikaapat nang taon, itatampok sa exhibit ang iba’t ibang obra—mula sa mga wall-mounted pieces, iskultura, installation, mga videos, animation, digital images, at multi-media art forms.

Hango sa terminong Visayas sa balat o skin (panit), at buto(bukog), nakasentro ang exhibit sa “essential and unique Mindanaoan realities lived and immersed in by participating artists,” ayon sa mga organizers.

Sa pamamagitan naman ng pagbisita ng mga curator at pakikipag-usap sa mga artist, pumili ang mga curator ng mga artwork na naglalarawan sa inisyatibo upang maisulong ang kapayapaan at maipreserba ang kapaligiran ng Mindanao.

Kabilang naman sa curatorial team sina University of the Philippines assistant professor of Art Studies Tessa Maria Guazon, visual artist Errol Balcos, at UN-Habitat country program manager Cris Rollo.

Si Guazon ang curator ng Philippine Pavilion sa 58th International Art Exhibition sa Venice Biennale.

Kasalukuyan namang Northern Mindanao coordinator ng NCCA’s National Committee on Visual Arts si Balcos, habang si Rollo ay dating pinuno ng National Committee for Visual Arts at co-founder ng Panit Bukog art exhibit.

Ngayong taon tampok sa exhibit ang mga artist buhat ng Cagayan de Oro City, Davao City, Iligan City, Dipolog City, Zamboanga del Norte, Zamboanga City, General Santos City, Pagadian City, at Bukidnon.

Bukod naman sa exhibit, magdaraos din ang Panit Bukog 4 ng art talk kung saan ibabahagi ng mga artist ang kanilang naging proseso at pagmamahal sa sining, habang mayroon ding workshops para sa paghasa ng talento ng mga interesadong kalahok.

Nakadisenyo ang Panit Bukog bilang isang travelling exhibit na nagsimula noong 2000, mula sa Cagayan de Oro patungo sa Iligan noong 2001, at sa Davao noong 2002. Inaasahan namang maisusulong ang adbokasiya para sa kapayapaan at kalikasan ng Mindanao sa ikaapat na installment nito.

PNA