HINIHIKAYAT ng Department of Education (DepEd) ang mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa na makilahok para sa public Science Film Festival, upang matulungang maisulong ang science literacy sa mga mag-aaral.

Sa pamamagitan ng DepEd Memorandum No. 152 series of 2019, hinihikayat ni Education Secretary Leonor Briones, ang mga school head na payagan ang mga mag-aaral—partikular ang mga nasa Regional Science High Schools (RSHSs), Science, Technology and Engineering (STE) implanting schools and Special Science Elementary Schools (SSES) – na manood ng mga pelikula na ipalalabas ngayong taon sa Science Film Festival.

“The festival aims to promote science literacy and enhance awareness of contemporary scientific, technological and environmental issues through film and television,” pahayag ni Briones.

May tema ang pagdiriwang ngayong taon na “Humboldt and The Web of Life” at sinimulan nitong Nobyembre 5 at matatapos sa Disyembre 6, 2019.

Kailangan, aniya’ng makipag-ugnayan ang mga Regional Science Education Program Supervisor para sa pagdaraos ng 2019 Science Film Festival.

Sa pagbubukas nitong Martes, unang ipinalabas ang pelikulang “Arnot’s Ark.” Na dinaluhan ng ilang mga piling mag-aaral mula sa Schools Divisions ng Pasig at Mandaluyong City.

Para sa pagpapalabas ng pelikula, inabisuhan naman ang mga paaralan, guro at mga guide na i- facilitate ang viewing at activities. Mahigpit namang inirerekomenda ng DepEd na panoorin muna ng mga guro ang pelikula upang makapaghanda sila ng mga tanong na makapag-eenganyo sa mga bata na panoorin at maunawaan ang pelikula.

Upang ma-reinforce ang impormasyon hinggil sa pelikula at mapalakas ang pag-unawa ng mga estudyante sa konsepto ng pelikula, hinihikayat na maihanda ang mga katanungan bago ang screening na “help the processing of students’ understanding.”

-MERLINA HERNANDO-MALIPOT