SA dinami-rami ng pelikulang nagawa na ni Joross Gamboa simula nu’ng nag-showbiz siya taong 2004 ay ikalawang beses palang niyang mag kontrabida sa pelikulang Mang Kepweng 2 na pagbibidahan ni Vhong Navarro mula sa Cineko Productions at si Topel Lee ang direktor.

JOROSS

Nauna na ang Buy Bust ni Anne Curtis na ipinalabas noong 2018.

Dapat sana ay isa si Joross sa sidekick ni Vhong pero pinalitan ang karakter ni Joross.

KILALANIN: Sino si Denise Julia na inireklamo ni BJ Pascual?

“Tuwang-tuwa ako kasi hilig ko talaga mag-kontrabida ngayon. Sa Kid Alpha One movie, kontrabida rin ako. Sa iba kasing movie, kaibigan ako, so gusto ko iba-iba naman.

“Game akong mag-bading, mag kontrabida, mag drama, comedy. Gusto ko sundan ang hakbang ni tito Eddie Garcia. ‘Yung hindi namimili ng role.

“Hindi ko namang pinangarap na maging superstar na, kung may mag-offer na bida, e, ‘di bida. Kung support, e, ‘di support trabaho lang naman ‘to parehas, lahat naman ng kita ko papunta sa mga anak ko,”masayang sabi ni Joross.

Unang nagka-trabaho sina Joross at Vhong sa pelikulang ‘D Anothers (2005) kaya masaya ang una dahil muli silang magkakasama sa MK2.

“Kaibigan ko talaga ‘yan si Vhong. Isa siya sa sinasabi ko na kapag kaibigan, hindi kailangang araw-araw kayong nagkikita at nagkakasama,”sambit ng aktor.

As of now ay walang regular show si Joross sa GMA at ABS-CBN at klinaro rin niyang wala siyang exclusive contract sa alinmang network.

“Per show ang contract ko na for me mas maganda para naiikot ko,” saad ni Joross.

Nabanggit din ni Joross na kuntento siya sa career niya ngayon at sa pagpapatakbo ng manager niyang si Noel Ferrer.

“Hindi na ako ‘yung tipo ng artistang push ng push, basta gagalingan ko lang ang ibibigay na trabaho,” katwiran ng aktor.

Sabi ni direk Cathy Garcia-Molina kaya lagi niyang isinasama sa mga pelikula niya si Joross ay dahil pampasuwerte at maski sa teleserye ay ganu’n din, naniniwala ba ng aktor na lucky charm siya sa isang proyekto.

“Ay hindi ko naman naiiisip. Blessed lang ako na nakaka-tsambang mapasama sa mga project. Nu’ng pumasok naman ako sa Ang Probinsyano, matagal na siyang Probinsyano kaya nagpapasalamat ako kay direk Coco (Martin). Umabot din ako ng isang taon doon, blessed ako,” say pa ng aktor.

Tinanong namin kung kasama si Joross sa pelikulang ginagawa ngayon ni direk Cathy na si Piolo Pascual ang bida.

“Hindi ko alam, pero panay ang biro ko kay direk Cathy na kaya ako nagpapahaba ng buhok kasi long hair si Piolo baka mapaggamitan.

“Kasi ‘yung kina Sharon (Cuneta) at Richard (Gomez), sabi ni direk Cathy, ‘paano kaya kita iibahin para kakaiba ka rito (karakter)?’ sabi ko, ‘bakit hindi ninyo ako kulutin, direk?’ Tapos nagkatinginan silang kaya kinulot talaga ako, kinky talaga.

“Ako kasi bawa’t role na ginagawa ko, iniiba-iba ko talaga ang itsura ko. Kung mapapansin ninyo iba ako sa mga pelikula nina KathNiel, John Lloyd/Sarah at LizQuen,” paliwanag ni Joross.

Halos umabot na sa 10 ang pelikulang nagawa ni Joross kay direk Cathy, “yung iba cameo lang bilang support, tulad ng She’s Dating A Gangster at ‘yung The How’s of Us.

ISANG DAAN PISO LANG ANG LAMAN NG PITAKA

At dahil isa si Joross sa in-demand supporting actor ngayon ay biniro namin kung nabibilang pa niya ang pera niya.

“Ay hindi kasi hindi ako ang tagabilang, ha, ha, ha. Ito seryoso ha kapag sumusuweldo ako halimbawa kaliwaan ang bayad, hindi ko binubuksan ang envelope, diretso sa asawa ko. Kasi ‘yung asawa ko magaling mag-budget, magaling sa pamilya sa lahat.

“Saka hindi ako maluho, kahit luma ang sasakyan ko. Ang importante, mabayaran muna namin ‘yung bahay.

“Allowance lang ako, kaya kung titingnan mo ang wallet ko, hundred pesos lang ang laman, meron naman akong card (credit card), ayoko rin masyadong naglalagay (cash) kasi mapapagastos ka.

“Masuwerte lang din ako kasi pinalaki ako ng magulang ko hindi maluho, nasanay ako na puro sponsors, pero may mga gamit naman ako na to present myself kapag may lakad.

“Vices ko siguro games, mobile legends kami nina direk Cathy, Alden (Richards). ‘Yun na lang ang problema sa akin ng asawa ko, sabi ko, ‘hindi na nga ako lumalabas ng bahay, games lang.’

“Sa damit hindi ako maluho, gadgets ito luma cellphone ko, car ko 2012 na Starex saka puro van ang sasakyan ko para masakay ko ang pamilya ko.

“Ang prayoridad ko kasi ngayon, mabayaran ang bahay. Travel abroad, nitong huli pumunta kami ng Korea kasi may sobra naman akong kita sa kampanya kaya nangibang bansa kami kasi naawa naman ako sa asawa ko na routine na lang siya, bahay lang. Kaya first family travel namin ‘yun,”mahabang kuwento ni Joross.

Sa bandang South nakatira si Joross na kahit ma-trapik ay doon niya pinili dahil, “kasi kung dito ako sa Quezon City bumili ng bahay, ramdam ko ang trabaho kahit wala akong trabaho. Sa South, maraming puno, masarap ang hangin.”

-REGGEE BONOAN