MAY bagong kasangga ang Philippine Sports.
Ipinahayag ng Light TV: God’s Channel of Blessing ang pagpapalabas ng mga sports events sa kanilang digital TV network simula ngayong buwan ng Nobyembre.
Unang matutunghayan sa bagong programa ng Light TV ang pagbubukas ng Community Volleyball Association (CVA) 18-under tournament sa San Andres Sports Complex sa Malate sa Linggo.
Ipalalabas din sa Light TV, na mapapanood din sa iba’t ibang mga cable providers, ang CBA Open basketball championship sa kasabay na araw.
Nilagdaan nina CBA/CVA founding president Carlo Maceda at Light TV sales and marketing manager Next Layderos ang kanilang kasunduan sa ginanap na 47th edisyon ng TOPS “Usapang Sports” nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros.
“Magandang oportunidad ito hindi lang sa amin sa CBA/CVA, kundi pati na rin sa Light TV, na makapagbigay ng magandang programa sa sports sa telebisyon,” sabi ni Maceda, sinamahan ng kanyang butihing maybahay na si Derlyn sa ginawang contract-signing.
“Natutuwa kami sa Light TV na maging bahagi ng pagbibigay ng kasiyahan sa mga tagapagtangkilik ng sports, lalo na sa CBA at CVA,” ayon kay Layderos.
Naging saksi naman sa nasabing kasunduan ang mga TOPS officers, sa pangunguna ni Ed Andaya ng People’s Tonight.
Mapapanood na din ang weekly TOPS "Usapang Sports" sa Light TV.