MATAPOS ang isang buwang bakasyon, balik-sesyon na ang Kongreso nitong Lunes, kung saan tuon ngayon ng Kamara de Representantes ang ilang bilang ng mga isyung may kinalaman sa ekonomiya. Maagang inprubahan ng Kamara ang 2020 National Budget Bill noong Agosto 29, na determinadong maiwasan ang muling pagkaantala tulad ng nangyari noong nakaraang taon, nang abutin ng Abril bago maaprubahan ang 2019 budget, dahilan upang mapilitan ipagpaliban ang napakaraming proyekto ng pamahalaan.
Sa hangaring iwasang maulit ito, maagang isinumite ngayong taon ng Malacañang sa Kamara ang P3.662 trilyon proposal para sa 2020—noong Agosto 29—habang agad inaprubahan ng Kamara sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa magkaparehong araw ang mungkahing budget, isang pagtalikod sa panuntunan ng Kamara sa ‘three-day waiting period’ sa pagitan ng dalawang botohan.
Sa Senado, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson, isang mahigpit na kritiko ng hakbang ng Kamara na magsingit ng ilang mga kuwestiyonableng proyekto sa budget bill, na mayroon pa ring tinatayang 2 bilyong lump sums na walang tinukoy na proyekto sa panukalang 2020 budget. Ngunit posible, aniyang, tanggapin na lamang ng Senado ang inaprubahang budget ng Kamara, para lamang masigurado na hindi mauulit ang katakot-takot na pagkaantala ng budget tulad noong nakaraang taon.
Sa natitirang linggo ng taon, tutukan ng Kongreso ang ilang mga panukala. Nariyan ang panukala para sa pagpapaliban ng Mayo 2020, barangay at Sangguniang Kabataan election patungong Disyembre 2022. Mayroon ding panukala hinggil sa pagtatayo ng Department of Overseas Filipino Workers, Department of Water, at Department of Disaster Resilience.
Nariyang din ang ilang panukalang batas sa buwis, partikular ang pagrerebisa sa buwis para sa mga dayuhang kumpanya sa ilalim ng Corporate Income Tax at Incentive Rationalization At (ACT), at ang pagpapataw ng dagdag na buwis para sa mga inuming alak, produktong tobacco, at vapor products. Mayroon din ngayong mungkahi ang Department of Health, para sa pagpapataw ng buwis—hindi para makalikom ng salapi ang pamahalaan, ngunit upang mabawasan ang pagkain ng maaalat na produkto para sa kalusugan.
Inaasahang lilikha ng kontrobersiya ang mga nabanggit na panukalang batas sa buwis, lalo na ang para sa mga maaalat na pagkain dahil sasapol ito sa buhay ng karamihan ng mga mahihirap na Pilipino—na dumedepende sa murang tuyo at daing. Maaari itong pagdebatihan ng mga mambabatas, hanggang kailan man nila gustuhin—basta’t masisiguro na nakahanda na ang pambansang budget na kailangan para maipatupad ang mga programa sa darating na taon.