BAKIT Adan ang titulo ng pelikula mo, direk Yam? Ito ang tanong namin kay Direk Yam Laranas nang padalhan niya kami sa messenger ng trailer ng pelikula na idinirek ni Roman Santillan Perez, Jr.

“Kasi, lalaki si Adan. Pero, kailangan ba’ng si Eba ay para kay Adan lang?” sagot sa amin ng direktor.

‘E, parehong Eba naman ang bida, ‘hirit namin.

“Ang isang babae ay puwedeng magkaroon ng puso tulad ng kay Adan para sa kapwa babae,” katwiran ulit sa amin ni direk Yam.

Tsika at Intriga

Elijah Canlas, Miles Ocampo plano nang magpakasal?

Oo nga naman! Habang sinusulat namin ito ay hindi pa ito nare-rebyu ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at hoping sina direk Yam at Roman na mabigyan sila ng R-16.

Konsepto at producer si direk Yam sa Adan na isinulat ng asawa niyang si Gin de Mesa, screenplay nina Jonison Fontanos at Roman Perez, Jr.

Sabi pa ni direk Yam, “Pero Adan was inspired by real events. Same sex couples committing crimes and violence. Abit of both. Inspired ‘yung story sa local plus foreign real events.”

Madalas kasing pag-aawayan ng same sex relationship ay selos na humahantong sa crime at violence.

“Good question. ‘Yun ang usual. Pero, ‘yung case na na-inspire ako was about freedom nu’ng isang babae sa isang lalaki. Nag-interview kami ng maraming lesbians para hindi lalaki ang POV (point of view) ng story,” saad ni direk Yam.

Hindi kilala sa industriya ang mga nakausap nina direk Yam at Roman at nalaman na maraming unsolved cases na hindi lang nababalitaan.

“’Yung mga nangyari, unsolved pa. So, Adan is also the absence of a male figure in a relationship. So, we are doing our best na gumawa ng hindi usual same-sex story. Bottom line, entertaining,” paliwanag ni direk Yam.

Diretsong tanong namin kay direk Yam kung bakit mga baguhang artista ang bida sa Adan at hindi mga kilala na?

“From auditions + ‘yung papayag sa gusto ng director,” sagot sa amin.

Kapag auditions kailangan naka-topless din, “acting only, bawal (topless) ‘yun sa amin.”

Hindi raw limitado ang pelikula sa LGBTQ, “Not limited for LGBTQ+ kasi love story siya,” say pa ni direk Yam.

Bakit hindi ito isinali sa anumang film festival sa bansa, “kailangan tapusin ng maayos (hindi kaagad natapos ang post-production.”

Baguhan ang direktor ng Adan kaya tinanong namin si direk Yam kung bakit hindi siya ang nag-direk.

“He directed SOL SEARCHING for To Farm Film Festival starring Pokwang (Drama). I saw the potential nu’ng director with the right material so, ibinigay ko sa kanya ang Adan,” pahayag sa amin ng direktor/producer.

Pinasok na rin pala ni direk Yam ang pagiging music producer dahil nakipab-collaborate siya sa kilalang musician, singer/songwriter na si Zild Benitez (lV of Spades). Ang theme song ng pelikula ay Himig ng Pag-Ibig performed by Shanne Dandan na orihinal ng ASIN/Lolita Carbon.

Samantala, ang isa sa bidang babae sa Adan na si Rhen Escano ay miyembro ng Iglesia Ni Cristo at balitang natiwalag dahil sa maseselang eksenang ginawa nila ni Cindy Miranda.

Ano ang komento ni direk Yam, “Lahat ng babae ay may karapatan kahit na ipakita ang katawan niya. Kahit na cliche na ‘kasi nasa script’, walang bawal kung hindi naman kabastusan ang ginawa.”

Sabagay, na kay Rhen na iyon dahil ginusto naman niyang gawin ang pelikula at hindi naman siya pinilit nina direk Yam at Roman.

Ang Adan ay produced ng Aliud Entertainment at Viva Films at palabas na ito sa Nobyembre 20 nationwide.

-REGGEE BONOAN