LAGING sinasabi ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na siya ay may lahing Maranao kung kaya mahal niya ang mga Mindanaon. Madalas din niyang sabihin na may dugong-Tsino o Intsik siya. Kung ang author ng unauthorized biography niya ang paniniwalaan, walang dugong-Maranao na nananaytay sa ating Pangulo. Pero, may dugong-Tsino nga siya.
Batay sa mga panayam at pananaliksik na ginawa ng Earl Parreno, may-akda ng “Beyond Will and Power”, sinulat niya na ang pamilya Duterte ay “moderately wealthy”, may lahing Tsino ngunit walang kaugnay-ugnay sa Maranaos. Ang apelyidong Roa ay in-adopt lang umano.
Sa biography ni Parreno, isinasaad na ang lolo ni PRRD sa kanyang ina na si Eleno ay ginamit o in-adopt lang ang apelyidong Roa bilang pagtanaw ng utang na loob kay ex-Cebu Governor Manuel Roa na tumulong sa kanyang pag-aaral.
“Hindi siya isang Roa, siya ay Fernandez,” sabi ni Parreno sa interview ng The Chiefs sa Cignal TV’s One News. Ang ama raw ni Eleno ay isang Eugenio Fernandez mula sa Talisay, Cebu, ngunit in-adopt ang surname na Roa. Dahil dito, ang birth certificate ni Nanay Soling (ina ni PRRD) ay naging Roa.
Ginamit ni Eleno ang apelyidong Roa dahil nga sa suporta ni Gov. Roa sa pag-aaral niya. Siya ang ama ni Soledad o Soling na nanay ni PDu30. Ito ang ginamit ni Nanay Soling sapul sa pagkabata kung kaya ang middle name ng Pangulo ay Roa.
Sa biography, sinabi ni Parreno na walang ebidensiya para suportahan ang claim ng Presidente na may dugo siyang Maranao. Gayunman, si PRRD ay talagang may dugong-Tsino o Intsik dahil isa sa kanyang great grandmother ay mula sa Spanish-Chinese family mula sa Talisay, Cebu.
Nilinaw ni Parreno na ang sinulat niyang biography ay hindi kontra o pabor (anti or pro) kaninuman kundi isang fair portrayal kung sino si PRRD. Sinulat niya ang talambuhay ng ating Pangulo upang bigyan ng impormasyon ang mga mamamayan tungkol sa buhay ng Punong Ehekutibo.
Kung pinag-uusapan o pinagtatalunan kung may transportation crisis o traffic crisis lang sa EDSA, inamin naman ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na may “humanitarian crisis” sa mga lugar at bayan na tinamaan ng tatlong sunod na lindol.
Ayon kay Lorenzana, umiiiral na ang humanitarin crisis sa ilang bahagi ng Mindano. Maraming bahay at gusali ang nag-iba at ang mga may-ari ng bahay ay nagsilisan dahil sa sunud-sunod na aftershock at takot na baka bumagsak ang mga balangkas, gusali, hotel, condominium at iba pa. Nagkaroon pa rin ng landslides o pagguho ng lupa.
Nabasa o nabalitaan ba ninyo na isang Pastor ng isang grupong relihiyoso sa Davao City ang nagpahayag at nagmalaki na inatasan daw niya ang lindol na tumigil. Ito raw ay tumigil naman. Kelan ba siya nag-utos, noong una o pangalawang lindol? Eh bakit nagkaroon pa ng pangatlong lindol?
-Bert de Guzman