ISASABAK ng Team Philippines ang pinakamalaking delegasyon para sa kampanya ng bansa sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Kabuuang 1,115 bilang ng atleta at 753 Coaches at ang inirehistro ng koponan upang sandalan sa target na overall championship sa biennial meet na gaganapin sa bansa sa ika-apat na pagkakataon.
Ang kabuuang 1,868 bilang ng Filipino contingent ay sinundan naman ng kabuuang bilang ng ipapadala ng Indonesia na may 1,702 habang ang Singapore naman ay may 1,591 kasunod ang Thailand (1,473), ang Malaysia (1,076) at Myanmar (952).
Ang Vietnam, na siyang susunod na magiging host ng SEA Games sa taong 2021 ay magdadala ng kabuuang 890 bilang ng mga atleta at opisyales habang ang Cambodia, naman ay may 510, ang Laos na may 419, ang Brunei na may 257 at ang Timor Leste na may 221.
Nilinaw naman ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) na maari pang bumaba ang bilang ng mga delegasyon hanggang Nobyembre 19 sa mismong delegation meeting.
Tiwala naman si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Butch Ramirez na kakayanin ng delegasyon ng Pilipinas na makapagbigay ng isang magandang laban para sa mga katunggaling bansa sa rehiyon.
Ayon kay Ramirez base sa mga ulat na ibinabahagi ng mga national sports associations (NSAs) kakayanin umano ng buong koponan ng Pilipinas na humakot ng kabuuang 90 hanggang 100 na gintong medalya.
Ayon sa Chef de Mission ng Team Philippines, aprubado lahat ng PSC board ang mga pondo para sa sa mga byahe sa ibang bansa at training ng lahat ng mgaa atletang sasabak sa SEA Games upang paghandaan ang nasabing biennial meet.
“The PSC spent for all the training, especially the foreign exposures of the athletes for the SEA Games. We hope to find Olympic-grade athletes from them as well as the Tokyo Games are also just around the corner,” ani Ramirez.
-Annie Abad