NAMEMELIGRONG mabura ang maraming siyudad sa mundo pagsapit ng taong 2050 dulot ng tumataas na lebel ng tubig sa karagatan, ayon sa isang pag-aaral ng Climate Central, isang science organization na nakabase sa New Jersey sa Estados Unidos, na inilimbag ngayong linggo sa isang journal na Nature Communications.
Nabanggit sa pag-aaral ang isang higit eksaktong paraan sa pagpagkalkula ng taas ng lupa base sa mga satellite readings at lumalabas sa bagong pag-aaral na 150 milyong tao ang ngayo’y naninirahan sa mga bahagi na inaasahang magiging mababa sa high-tide line pagsapit ng 2050—30 taon mula ngayon.
Sa Middle East, ang mga siyudad ng Alexandria, Egypt, at Basra, Iraq, ay kabilang sa mga lumang lugar na nanganganib dahil sa tumataas na karagatan. Sa Amerika, ang mga siyudad ng St. Peterburgh sa Florida, ang tubig sa karagatan ay inaasahang tataas ng 15 pulgada pagsapit ng 2050.
Ngunit ang pinakamalalang peligro ay nasa Asya—sa China, Bangladesh, India, Vietnam, Indonesia at Thailand. Sinisimulan na ngayon ng Indonesia na ilipat ang kanilang kabisera mula Jakarta, patungong Kalimantan, Borneo.
Malaki ring bahagi ng Ho Chih Minh City— ang lumang Saigon—sa southern Vietnam ang maglalaho, ayon sa pag-aaral. Sa Thailand, mahigit 10 porsiyento ng mga tao na naninirahan ngayon sa lupain ang inaasahang malulubog pagsapit ng 2050—kabilang ang Bangkok.
Sa China, nagbabantang malubog sa tubig ang sentro ng Shanghai at iba pang lungsod sa paligid nito. Maraming bahagi ng Mumbai sa India, na orihinal na binuo mula sa mga isla, ang namemeligrong mawala.
“The world’s coasts are more valuable to climate change than we ever thought, pahayag ni Peter Girard, direktor ng communications for Climate Change.
Ang pagtaas ng lebel ng karagatan ay isinisisi sa tumataas na carbon emission sa mundo na nagdudulot ng pagtaas ng global na temperatura at nagpapatunaw sa mga malalaking tipak ng yelo sa polar.
Ang China, na pinakamataong bansa sa buong mundo at pinakamalaking naglalabas ng carbon—sa 27 porsiyento, ayon sa Global Carbon Project, isang global research project ng Future Earth—ang nagpasimula ng malawakang pambansang aksiyon upang mabawasan ang paggamit ng uling o coal. Ang US ang ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng industrial carbon—15 porsiyento—ngunit napaulat ang tuloy-tuloy nitong pagbaba sa nakalipas na dekada sa pagbagsak ng paggamit ng uling at paggamit ng natural gas. Nasa siyam na porsiyento naman ang carbon emission na inilalabas ng 28 European Union; pitong porsiyento sa India; at limang porsiyento sa Russia.
Ang natitirang bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas, ay may maliit lamang na kontribusyon sa carbon emissions ng mundo, ngunit katulad lamang ang magiging pagdurusa nito mula sa resulta ng tumataas na karagatan at pamumuo ng mas malalakas na mga bagyo na unti-unting nananalasa na sa ating planeta.