TULOY-TULOY ang pagpapalakas ng Police Regional Office-Region 5 (PRO-5) ng kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng proyektong tinawag na “Resistance Education Against Drugs for the Youth” o READY.

Sa isang panayam nitong Lunes, sinabi ni Major Malu Calubaquib, PRO5 spokesperson, na layon ng project READY na ma-institutionalize ang tamang preventive information at education program ng PNP upang maprotektahan ang mga kabataan mula sa masamang epekto ng mapanganib na droga.

Nabuo ang project READY mula sa PNP Command Memorandum Circular 41-2016, na nilagdaan at inaprubahan ng dating PNP chief at ngayo’y Senador, Ronald “Bato” dela Rosa.

“With the marching orders of President Rodrigo Roa Duterte, we have intensified our efforts to eradicate illegal drugs,” aniya.

Ayon sa PRO5 official, nais matulungan ng project READY ang mga mag-aaral sa high school students at out-of-school youths sa mga komunidad ng lungsod. Hangad ng proyekto na hindi lamang maturuan ang mga kabataan sa masasamang epekto ng ilegal droga ngunit upang maipaabot din sa kanila ang kahalagahan ng pamumuno o leadership at ang esensiya ng “social responsibility.”

Sinabi ni Calubaquib na tatangkain ng mga pulis na makabuo ng “READY Officers” mula sa mga kuwalipikadong personnel na magsisilbing lecturers at facilitators sa programa.

“We conducted five-day training of Police Community Relations personnel to capacitate them in bringing our program closer with the community most especially the youth,” aniya.

PNA