NAGDURUSA ngayon ang Mindanao mula sa serye ng mga lindol na yumanig sa buhay ng mga residente rito. Mula Hulyo 9 hanggang nitong Oktubre 31, anim na malalakas na lindol ang tumama sa Cotabato na karamihan ay nag-ugat sa bahagi ng Tulunan, Cotabato. Isa sa pinakamalakas na pagyanig ang 6.6 magnitude nitong Oktubre 29 at ang 6.5 magnitude na tumama makalipas lamang ang dalawang araw.
Sa kasamaang-palad, ilang pagkamatay ang naitala dulot ng mga pagyanig, dagdag pa ang bilyong pisong halaga ng mga napinsalang ari-arian. Malala pa rito, nawasak din ang pakiramdam ng seguridad ng ating mga kababayan. Maraming mga residente ang patuloy na namumuhay sa takot at pangamba mula sa posibleng pagyanig na maaaring tumama sa kanilang lugar.
Ako at ang aking pamilya ay lubos na nakikidalamhati sa pamilya ng mga namatay at sa buong komunidad na apektado. Hinihikayat ko ang lahat ng mga Pilipino na magpaabot ng kanilang tulong at mag-alay ng dasal para sa ating mga apektadong kababayan sa Mindanao.
Binubuhay ng mga trahedya at kalamidad ang pangangailangan na mapalakas ang kapabilidad ng ating mga lokal na pamahalaan upang maghanda at tumugon sa naturang mga sitwasyon. Sila ang unang tutugon at walang paraan o bagay ang dapat na ipagkait sa kanila upang maturuan sila ng tama.
**************
Hindi lamang sa usapin ng kayamanan at politika bumabatay ang pagiging ‘imperial center’ na sumasakop sa ating bansa. Sa kasaysayan, o partikular sa itinuro sa ating kasaysayan, ang perspektibong ito ay nakasentro lamang sa Maynila o Luzon.
Kaya naman marahil marami ang magugulat na ngayong linggo ay ginugunita natin ang ika-121 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republic of Negros o ang Republica Cantonal de Negros, tulad ng itinawag dito nang mabuo noong Nobyembre 7, 1898.
Bunga ito ng plano ng mga rebolusyonaryong lider ng Negros na nagkita sa Silay upang maglunsad ng isang paghihimagsik na nagsimula noong Nobyembre 5, 1989. Mabilis na nakamit ang tagumpay nang walang kondisyong sumuko ang puwersa ng mga Espansyol sa Negros nang sumunod na araw.
Ayon sa ilang tala hinggil sa pag-aalsa, nagmartsa ang puwersa ng mga Pilipino na pinamumunuan nina Juan Araneta at Aniceto Lacson patungong Bacolod bitbit ang mga pekeng armas na binubuo ng mga rifle na inukit lamang mula sa palapa ng niyog at mga kanyon na gawa sa mga kawayan na pininturahan ng itim. Umubra umano ito upang maisahan ang puwersa ng mga Espanyol at mapasuko.
Kasunod ng paglaya ng Negros, isang “provisional revolutionary government” ang itinatag, kasama ni Aniceto Lacson bilang Pangulo. Kalaunan, naglunsad ang mga Negrenses ng sarili nilang malayang Kongreso noong Disyembre 26, 1898. Maikli lamang ang itinagal ng Republika ng Negros sa pag-okupa ng mga Amerikano sa kabisera nitong sa Bacolod noong Marso 1898.
Sa marami kong pagbisita sa lugar, noong ako’y senador pa at maging ngayon kapag bumibisita ako sa Camella Homes sa Bacolod, madalas kong masilayan ang mga markang ito ng mga mahahalagang kaganapan sa palibot ng probinsiya. Isang simbolo ng karangalan para sa mga Negrenses, sa kanilang kolektibo at makasaysayang katapangan laban sa mga tao na sagabal sa kanilang pagkamit ng kalayaan.
Sa kasamaang-palad, ang mahahalagang kaganapan ito ay nakaliligtaan sa tuwing itinuturo sa mga kabataang Pilipino ang kasaysayan ng Pilipinas. Ang mga naratibo hinggil sa rebolusyonaryong Pilipino ay palaging nakasentro lamang sa Maynila at sa mga kalapit nitong probinsiya na matapang din nakipaglaban sa pamumuno ng mga Espanyol. Mahalaga para sa atin na maalala at kilalanin ang kabayanihan ng mga walang-takot na nakipaglaban para sa ating kalayaan at kasarinlan.
Bukod sa Negros, ilang republika rin ang itinayo sa Iloilo, Cuyo at Zamboanga. Hindi ako naniniwala na ang mga pag-aaklas na ito ay nagpapatunay na tayo ay nahahati at walang kakayahang magkaisa. Kabalintunaan nito, naniniwala ako na ang mga paghihimagsik na ito ay nagpapakita ng pagkakatulad sa atin—ang pagmamahal sa ating bansa at ang kagustuhan na magsakripisyo para sa kalayaan at kasarinlan. Patunay rin ito na ang mga lokal na komunidad ay ang pinakamainam na maaaring tumugon sa kanilang sariling problema, ito man ay trahedya o pananakop ng dayuhang puwersa.
-Manny Villar