“NOONG nanalo po ako ng 2 thousand pesos tinawagan ko po ang mommy ko sa Hongkong, ‘mommy nanalo po ako ng 2 thousand, uwi ka na po’ tapos po ang sabi niya po sa akin, ‘anak hindi pa ‘yan sapat para makaahon tayo sa kahirapan. Kaya anak dapat galingan mo pa sana madiskubre ka ng ABS-CBN.
“And nu’ng nanalo naman po ako ng 20 thousand, tinawagan ko po ulit siya, ‘ma, twenty thousand na po, uwi ka na, laking pera na ‘to! sabi ni ma, “anak hindi pa rin ‘yan sapat, ang kailangan ko ay mapag-aral ko kayo ng kapatid mo, dapat maganda ‘yung buhay ninyo, ‘yung future ninyo.’
“Ngayon po (nanalo ng 2 milyon) nakausap ko na at umiiyak na sobrang thankful po siya sa akin kasi po ginawa ko ‘yung best ko po na manalo rito. Siyempre hindi naman po ‘yun mangyayari kung hindi dahil kay God, sa parents ko po, sa supporters ko po,” ito ang nakangiting kuwento ni Vanjoss Bayaban, ang grand winner ng The Voice Kids Season 4 na ginanap sa Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila nitong Linggo, Nobyembre 3.
Nagta-trabaho sa Hongkong ang ina ni Vanjoss na si Gng. Evelyn Bayaban bilang domestic helper at tatlong taon na siya roon.
Malungkot ang magkapatid na Vanjoss na noo’y 9 palang at ang kapatid na si Ivan ay 6 nang iwanan sila ng kanilang ina pero kailangan nilang tiisin dahil para ito sa kanilang pag-aaral.
Kaya naman ang pangarap na maging mang-aawit noong apat na taong gulang palang ay ang pinagtuunan ng atensiyon ni Vanjoss para matulungan ang pamilya at mapabalik ang inang nawalay sa kanila.
“Hindi ko na po talaga siya paalisin, bukod po sa nanalo na po ako, sama-sama na po kaming pamilya wala na pong umaalis sa amin,” diin pa.
Kuwento pa ni Vanjoss na tubong Asingan, Pangasinan ay unang beses niyang sumali sa TVK kaya naman hindi nawawala ang mga ngiti niya habang nagkukuwento ng pinagdaanan niya bago nakamit ang pangarap.
Si Vanjoss ang unang sumalang sa grand finals mula sa Team Sarah at hindi siya nakaramdam ng kaba.
“Nu’ng kumanta (sumalang) na po ako, wala po akong kaba sa pagkanta ko po ng You Raise Me Up, doon po ako kinabahan sa awarding (announcement) na po. Hindi ko po akalaing makukuha ko ito (sabay angat ng tropeo).
At siyempre, hindi naman makakamit ni Vanjoss ang panalo kung walang tulong ng kanyang coach na si Sarah Geronimo, kaya ano ang mga bilin sa kanya?
“Ang bilin po sa akin parati ni coach Sarah ay bago po pumunta sa stage, magdadasal muna, dapat ang pagkanta dapat may puso, dapat po ‘yung kinakanta ko ay naayon sa emosyon ko sa pagkanta po, huwag puro birit po at namnamin ko ang pagkanta po,” kuwento ng bagets.
Ang napiling bahay mula sa Camella Homes ay sa Malolos, Bulacan bilang half-way house nila at malapit sa Pangasinan kapag uuwi sila roon.
Ano naman ang gagawin ni Vanjoss sa 2 milyong pisong premyo.
“Ibibigay ko po kina mama mo para sa kinabukasan naming magkapatid po at para po makabili kami ng magagarang sasakyan para po may magamit kami,” saad ng TVK grand winner Season 4.
Bukod sa bahay at pera ay may naka-kontrata na rin si Vanjoss sa ABS-CBN Music singer.
Samantala, grand welcome naman ang naghihintay kay Vanjoss sa bayan nila sa Asingan, Pangasinan at may motorcade raw siya.
Nabanggit din na sinorpresa siya ni coach Sarah dahil pinuntahan siya sa bayan nila, “sobrang sinorprise po niya ako kasi bilang advance birthday gift ko po sa November 6, isa po ‘yun sa wish ko,” saad nito.
Pangarap ba ni Vanjoss pasukin ang pag-arte, “(napangiti muna), sa ngayon po, hindi ko pa po maisip. Pagkanta po ang gusto ko.”
-REGGEE BONOAN