DUMAGDAG sa kawalang katiyakan ang naging kanselasyon ng Chile sa Asia-Pacific Cooperation (APEC) summit sa kabisera nito, ang Santiago, hinggil sa nagpapatuloy na trade war sa pagitan ng United State at China.
Nitong nakaraang buwan, sinabi ni US President Donald Trump na inaasahan niyang malalagdaan ang isang kasunduang pangkalakalan kasama si China President Xi Jinping, sa nakatakda sanang APEC meeting sa Chile, sa Nobyembre 16-17. Inaasahan ng mundo ang pagpupulong sa Chile, lalo’t apektado na ang lahat ng mga bansa sa trade war ng US, ang nangungunang bansa sa pag-angkat at ang China, na nangungunang bansa sa pag-e-export.
Gayunman, nitong nakaraang Miyerkules, inanunsiyo ni President Sebastian Pinera ang pag-atras ng Chile bilang host ng APEC summit. Dahil ito sa tumitinding kaguluhan sa ilang siyudad hinggil isyu ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa bansa, kung saan nasa 18 katao na ang namamatay. Nakatakdang daluhan ang APEC summit ng mga lider ng bansa sa bahagi ng Pacific at ito ang napili ni Pangulong Trump bilang mainam na lugar na pagdausan para sa paglagda ng kasunduan na magbibigay wakas sa trader war kasama ang China.
Kinansela na rin ni Chile President Pinera ang United Nations climate change conference COP 25 sa Disyembre 2-13, na inaasahang dadaluhan ng mga lider mula sa iba’t ibang bansa upang pag-usapan ang lumalalang global pollution na nagpapataas sa temperatura ng daigdig, na nagdudulot ng pagkatunaw ng malalaking pitak ng yelo at nagpapataas sa lebel ng tubig sa dagat, at lumilikha ng malalakas at mapaminsalang mga bagyo.
Pinili ni Pinera na panatilihin lamang ang isang malaking event – ang Copa Libertadores championship sa Disyembre 2-13 sa pagitan ng Argentina at Brazil, marahil sa pag-asa na maiiwasan ang paglala ng kaguluhan sa pagdaraos ng sports event, sa paggamit ng malaking interes ng mga Chilean sa football.
Sa pagkakansela ng APEC summit sa Chile, lalong tumaas ang kawalang-katiyakan hinggil sa nagpapatuloy na trade war ng US at China. Sa kabila ng optimistikong pahayag ni Pangulong Trump nitong nakaraang buwan, nanatili ang mga pagdududa, lalo na kung ikokonsidera ang maraming pagkakataon na bigla na lamang nagbabago ang isip ng US president sa huling sandali. Ngunit tila kontento naman siya na nagaganap na pag-uusap, lalo na ang pag-sang-ayon ng China na bumili ng hanggang $50 billion halaga ng US farm products. Mahalaga ito upang mapanatili ang suporta ng mga magsasaka ng Amerika sa nakatakdangUS presidential election.
Sa ngayon, tuloy ang paghahanap ng lugar, kung saan maaaring magkita sina US President Trump, at President Xi at lumagda ng kasunduan na magbibigay wakas sa the trade war na nakaapekto na sa buong mundo. Umaasa tayo na makahahanap kaagad ng lugar, marahil sa isa sa mga bansa sa ASEAN na may mahigpit na ugnayan sa US at China.