PATULOY na nahuhuli ang paglaban sa climate change sa patuloy na pagkasira ng kalikasan na nagbibigay ng banta sa buhay ng mas maraming mga tao, pahayag ng United Nations (UN) chief nitong Linggo.

Sa isang briefing matapos ang Association of Southeast Asian Nations (Asean) – UN Summit sa Thailand, sinabi ni UN Secretary-General Antonio Guterres, na batid ng mga lider ng rehiyon ang epekto ng climate change sa kani-kanilang ekonomiya.

Sinabi ng UN chief na “[climate change is] the most dramatic threat to sustainability today.”

“There’s a major concern for us all. Indeed, we are still losing the race. Climate change is running faster than what we are,” aniya.

Ayon sa UN chief, ang epekto ng climate change ay nagresulta na sa matinding tagtuyot, pagkatunaw ng mga glaciers, at pagbabago ng kulay ng mga corals.

Aniya, ang mga pagbabagong ito sa kapaligiran ay nagresulta na sa mga kalamidad na nakaapekto sa buhay ng mga tao sa mundo.

Kasabay ng pagbanggit sa resulta ng isang pag-aaral na inilabas kamakailan, sinabi ni Guterres na ang bilis ng pagtaas ng lebel ng tubig sa dagat ay higit na mas mabilis kumpara sa dating inaasahan.

“It is now foreseen that if we are not able to defeat climate change we will have, in 2050, an impact on the sea level rise over 300 million people,” aniya.

Dahil dito, muli niyang nabanggit ang panawagan para sa pangangailangan na masiguro na mapipigil ang pagtaas ng temperature sa 1.5 degrees bago matapos ang siglo, na maging carbon neutral pagsapit ng 2050 habang mababawasan ang emission ng 45 percent.

“In the next decades, if we miss these objectives the situation will be catastrophic with dramatic impact around the world,” aniya.

Ipinanawagan din ni Guterres ang implementasyon ng carbon tax, sa pagsasabing ang subsidiya sa fossil fuels na ibinibigay ng pamahalaan sa mga negosyante ay nagmumula naman sa buwis ng mga tao.

Nabanggit din niya ang pangangailangan na mapigilan ang pagtatayo ng mga bagong coal-fired power plants mula 2020 at sa halip ay isulong ang produksiyon ng mas maraming renewable energy.

Binigyang-diin niya na maraming bilang ng mga coal-fired power plants ang nasa pipeline para sa konstruksiyon sa East, South, at Southeast Asia sa mga susunod na taon.

“It is very important to recognize that the addiction to coal can undermine our efforts to defeat climate change,” pagbabahagi pa ng UN chief.

Nabanggit niya na nakipag-usap na siya sa mga lider bansa kung saan napipintong itayo ang mga bagong coal-fired power plants upang muling pag-isipan ang plano.

“My appeal is for an emphasis to be put on renewables and to be able to stop the construction of new power plants, coal power plants, because, as I have said, the addiction to coal can undermine, because of its impact in terms of CO2 (carbon dioxide), can undermine our efforts to defeat climate change,” paliwanag pa niya.

Ipinunto ng UN chief na “today it is clear that renewable energy is the cheapest one.”

“Technology has evolved in such a way that today renewables are the most effective form to produce electricity,” giit niya.

PNA