HABANG kausap namin sina Ginoong Bayani at Ginang Evelyn Bayaban, magulang ni Vanjoss na grand winner ng The Voice Kids Season 4 ay hindi pa rin sila makapaniwalang anak nila ang nanalo.

Base sa panayam namin sa mag-asawa sa dressing room ng Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila ay, “hindi pa kami makapaniwala sa nangyayari sa anak namin sa nangyari sa kanyang journey. Hindi ko mapigilan dahil kung nao ‘yung sinabi niya sa akin, ‘yun ang gusto niyang gawin. Nagpapasalamat ako sa kanya, talagang masayang-masaya ‘yung nararamdaman ko dahil natupad niya ‘yung ipinangako niyang pangarap niya na gustong gawin sa buhay,” ito ang pahayag ng daddy Bayani ni Vanjoss.

Tinanong namin ang mommy ni Vanjoss kung babalik pa siya ng Hongkong ngayong dalawang milyon na ang napanalunan ng panganay niyang si Vanjoss.

“Hindi na po ako babalik sa Hongkong. Gusto ko pong pagbigyan ‘yung pangarap ng anak ko ngayon dahil ginawa niya ‘yung makakaya niya para manalo so pagbibigyan ko rin po ‘yung kahilingan niya na magkasama-sama po kaming lahat,” naiiyak na sabi ni mommy Evelyn.

Tsika at Intriga

Dani Barretto, nang-inis pa lalo sa bashers dahil sa 'garlic tuyo'

Hindi pa finish contract si Gng Evelyn sa amo niya sa Hongkong pero pinayagan daw siyang umuwi na.

“Kinausap ko po ‘yung mga amo ko na uuwi muna ako at pumayag naman po. Three years na po ako roon,” sambit ng ina ni Vanjoss.

Ang paliwanag naman ng ama ng bagets ay napilitan lang siyang payagan ang asawang mag-trabaho sa ibang bansa dahil sa hirap ng buhay nila dahil ang welding shop ay hindi sapat para mapag-aral at matugunan ang mga pangangailangan nilang pamilya.

“Kaya po siya umalis din dahil gusto niya akong tulungan para sa kinabukasan din nang dalawang bata.

“Ngayon po, sabi ni Vanjoss sabi niya po suportahan ko siya kasi gusto niyang ituloy ang pangarap niya. Una po niyang gustong salihan ay ang TNT Kids (Tawag ng Tanghalan), pero hindi pa po nagsimula ‘yung TNT Kids kaya itong The Voice Kids po ang sinungaban niya,” kuwento ni Ginoong Bayani.

Ang 2 milyong premyo ni Vanjoss ay iba-bangko raw muna sabi ng ina, “itatabi po namin para sa kinabukasan ng dalawang bata.”

At kaya pala nabanggit ni Vanjoss na gusto niyang bumili ng magarang sasakyan ay para may magamit silang pamilya sa pagluwas sa Manila mula Pangasinan.

“Kailangan po kasi namin ang sasakyan, ‘yun po siguro ‘yung sinasabi niyang gusto niyang bumili ng van kasi hindi po siya kumportable na sumakay ng bus kasi sumusuka po siya lagi. ‘Yun po ang hirap namin kapag lumuwas kami (Maynila) lagi siyang nahihilo at nagsusuka. Sabi niya (Vanjoss), kumportable ako sa van tapos gagawa tayo ng tulungan doon para makakatulog ako habang bumibiyahe,” pagtatapat ng ama ni Vanjoss.

At dahil taga-Pangasinan sila ay lilipat na sila sa Malolos, Bulacan kung saan naroon natirik ang bahay na premyo mula sa Camella Homes.

“Pag-uusapan pa po naming tatlo (nanay at Vanjoss). Pero kung sa Bulacan po kami titira, hati na po ‘yung layo mula Pangasinan at dito sa Manila. Kung may show po si Vanjoss dito sa ABS-CBN, madali na lang po ‘yung biyahe (Bulacan),” paliwanang ni Ginoong Bayani.

Palitan ang magulang ni Vanjoss sa pag-aalaga sa kanilang magkapatid dahil nag-aaral ang bunsong si Ivan sa Pangasinan ay malamang ang ina nito ang kasama at ang ama naman ay kasama ng TVK grand winner dito sa Bulacan lalo’t may show siya.

Kinausap din namin ang bunsong kapatid ni Vanjoss na si Ivan kung kumakanta at napangiti lang ang bata pero ayon sa magulang nila ay kumakanta rin ito mahiyain lang.

Sa ama nagmana si Vanjoss dahil noong kabataan nito ay sumasali parati sa amateur singing contest at dahil nagkaroon na ng pamilya ay nahinto kaya ang saya niya ng malamang mahilig kumanta ang panganay na anak.

-Reggee Bonoan