TAPOS na ang Undas sa Pilipinas, araw ng paggunita sa yumaong mga mahal sa buhay. Noong Huwebes, naglathala ang isang English broadsheet ng news story na “Duterte Halloween masks for sale online”. Kasama ng istorya ang larawan ng plastic masks ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na puwedeng gamitin o isuot sa Halloween party.

Ang pinakamurang maskara na mabibili sa online market-place Caroussel na nakipag-merge sa PH-based OLX ay P900. Samakatwid, magiging si PRRD ka kapag bumili ng ganitong maskara. Ngayon tapos na ang All Saints at All Souls’ Day, hindi natin malaman kung may mga Pinoy na bumili ng plastic mask ng ating Pangulo.

Bukod sa maskara na katulad ni PDu30, ipinagbibili rin online ang mga plastic mask nina US Pres. Trump, Russian Pres. Putin, North Korean leader Kim Jong-un at Sen. Manny Pacquiao. Meron ding plastic mask sina American actors Samuel Jackson at Nikolaj Coster-Waldau, at ng fictional killers na sina Hannibal Lecter (Silence of the Lamb) at Jason Voorhees (Friday the 13th).

Nagbibiro ang kaibigan kong Senior jogger na kasamang nagkakape noon at sinabing wala sa hanay ng mga nabanggit na kilalang tao si Dracula, isang fictional vampire sa Europe na kinatatakutan dahil sumisipsip ng dugo ng mga biktima.

Ayon sa ulat, hindi naman daw na-offend ang ating Pangulo sa paglalathala ng kanyang plastic mask o maskara sapagkat patunay raw ito na talagang popular si Mano Digong hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na “It’s amusing... It means he has arrived.” Dagdag pa ni Spox Panelo: “Kapag ikaw ang topic ng lahat, patunay na you have arrived; otherwise they won’t mind you.”

Nang ipaalam kay Panelo na ang kompanyang nagbebenta ng maskara ng Pangulo ay nagbebenta rin ng mga maskara ng nakatatakot na nilalang, nakatawang tumugon ang tagapagsalita ng Malacañang na: “The President is also scaring criminals.”

oOo

Dahil sa pagtama ng mga lindol sa Mindanao, partikular sa North at South Cotabato, gustong repasuhin at ma-update ng Mababang Kapulungan ang National Building Code na naging batas at inisyu ni ex-Pres. Ferdinand Marcos noong Pebrero 19, 1977.

Sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na nais malaman ng Kamara kung ang lumang construction standards sa mga gusali ay angkop pa hanggang ngayon para tugunan ang panganib na hinaharap ng mga mamamayan sa lindol at iba pang kalamidad.

oOo

Nananatili ang Maynila bilang pinaka-worst sa trapiko sa buong mundo. Ayon sa Waze, isang trafffic navigation software and application, kailangan ang limang minuto ng motorista para makabiyahe sa isang kilometro. Sa 4.88 minuto bawat kilometro on the average, sinabi ng Waze na ito ang pinakagrabe sa daloy ng trapiko sa mundo.

Ano kaya ang magagawa rito ni Yorme (Mayor Isko Moreno)? Meron kayang siyang pormula bagamat hindi niya solong pananagutan ang problema sa trapiko sa Maynila? Sa EDSA naman, usad-pagong din ang mga sasakyan, marami ang naiinis, nagkakasakit at kung minsan nga ay namamatay pa sa loob ng mga ambulansiya dahil hindi agad naidala sa ospital ang mga pasyente!

-Bert de Guzman