“HINDI kami natatakot sa anumang banta at babala. Buhay at kamatayan ang aming ipinaglalaban at pinoproteskyunan,” wika ng pinuno ng Dumagat na si Marcelino Tena sa pakikipanayam sa kanya nitong Lunes. Sila kasi ang mga katutubong mapapalayas sa kanilang kinalalagyan sa bahagi ng bundok Sierra Madre kapag tuluyan nang gawin ang Kaliwa dam.
Eh, nagbabala si Pangulong Duterte na gagamitin niya ang kanyang hindi pangkaraniwang kapangyarihan sa pagpapairal ng proyekto na nagkakahalaga ng P18.7 bilyon. Iginiit ni Tena na ang mga katutubo ng Sierra Madre na maitataboy ng proyekto ay hindi magbibigay ng kanilang malayang pagsang-ayon dito. Ang pagsang-ayon ng mga naninirahan sa ancestral land na maapektuhan ng anumang proyekto ay kinakailangan kunin muna ng magpapagawa nito. Ayon kay Tena, hanggang ngayon ay hindi pa tinutupad ito ng gobyerno. Pekeng konsultasyon at pagkatibay ng proyekto ng mga katutubong komunidad ang naganap na siya namang nais imbestigahan ng Commission on Human Rights. “Ginoong Pangulo, may prosesong legal na dapat sundin bago ang anumang proyekto ng gobyerno ay magawa. Kayo, bilang Pangulo ng bansa ay inaasahang maging ehemplo at modelo ng mga Pilipino sa pagsunod sa batas. Pero, dahil sa katigasan ninyo at pananakot, nagbibigay kayo ng masamang ehemplo sa lahat,” wika pa ni Tena. Si Tena ay bahagi ng Samahan ng mga Katutubong Agta/Dumagat-Remontado na Binabaka at Ipinagtatanggol ang Lupaing Ninuno.
Ayon naman kay Catholic priest Pete Montallana, chair ng Save Sierra Madre Netwrok Alliance, wala siyang nakikitang bago sa pananakot ng Pangulo. “Ginagamit na ng Pangulo ang kanyang extraordinary power sa paglalagay ng mga retiradong pulis at sundalo sa mga ahensiya ng gobyerno para mag-pressure sa mga katutubo at mga lokal na opisyal na nakikinig sa mga laban sa dam. Kung iginalang lang ang proseso ng batas na nangangalaga ng mamamayan at kapaligiran, mayroon tayong mga ahensiya na talagang ginampanan ang kanilang tungkulin. Iyong kontrata ninyo sa China ang gumulo ng lahat,” sabi ng pari sa kanyang bukas na liham. Ang kontratang tinutukoy ng pari ay iyong pinasok ng Pangulo sa China na umutang ito ng P18.7 bilyon para sa proyekto na ang gagawa nito ay ang China Engineering Corp.
Dahil ganap nang kasunduan itong pinasok ng Pangulo bago pa lang konsultahin ang mga mamamayan sa pagpapagawa ng dam, ang remedyo niya ay brasuhin ito. Umaasa siya sa kanyang kapangyarihan na mapapairal ito nang pasuking niya ang kontrata sa China. Kaya, dito magkakasubukan kung saan uubra ang kanyang banta at pananakot. Matindi ang pagtutol sa proyekto dahil sa napakagrabeng pinsalang idudulot nito sa taumbayan at kapaligiran. Mas grabe ang magiging problema kapag natuloy ang proyekto kaysa problemang lulutasin nito. Ang kinakapos ng supply ng tubig sa Kamaynilaan at karatig pook ay puwedeng ihanap pa ng lunas sa ibang paraan na hindi mapaminsala.
Magiging magulo kapag ipinuwersa ang Kaliwa dam dahil gagamit ng pulis o sundalo ang Pangulo. Eh may armadong grupo rin ang humahadlang sa proyekto. Ang komunistang rebelde ay nangakong paglulunsad ng pag-atake para matigil ang pagpapagawa nito. Kinokondena ng Communist party of the Philippines ang pananakot ng Pangulo na kunin sa puwersahan ang lupa at gubat ng taumbayan, ayon kay CPP public information officer Marco Valbuena. Nanawagan ito sa New People’s Army na ipagtanggol ang taumbayan sa mga kapanalig ng Pangulo. Ganito inumpisahang putulin ang mapaniil na pag-gogobyerno ng diktadura. Humugot ng lakas ang taumbayan sa Simbahang nangangalaga ng kanyang kawan at sa armadong grupo na ang taumbayan rin mismo ang nagpalakas.
-Ric Valmonte