BESTFRIENDS for life talaga sina Aga Muhlach at ex-Mayor ng Quezon City na si Herbert Bautista dahil isang tawag lang ng una na manood sa premiere night ng peliklang NUUK nitong Lunes ay dumating kaagad ang dating alkalde.
Inabutan naming nakaupo at naghihintay sa cast ng pelikula si Mayor Bistek habang nagte-text sa waiting area sa SM Megamall ng gambalain namin para kausapin at kaagad namang nagpaunlak.
Nalaman namin na apat na buwan palang wala sa puwesto niya si Herbert ay nakagawa na siya ng digital movie na mapapanood sa iWant na may titulong Silly Red Shoes produced ng Dreamscape Digital at pagbibidahan nina Francine Diaz at Kyle Echarri mula sa direksyon ni James Robin Mayo.
“Excited ako kasi na break-in (sa pag-arte), ang tagal kong hindi nakagawa, drama kasi hindi comedy. Kaya break-in tawag ko kasi nanibago ako. Okay naman, kumportable naman ako kasi very supportive ‘yung direktor, ‘yung production,” bungad ng nagbabalik showbiz actor.
Tinanong namin kung ano ang kuwento ng Silly Red Shoes, “sapatero ako, anak ko si Anna Luna, ‘yung ate; si Karen ‘yung gitna at si Francine ‘yung bunso na nangangarap na nangangarap sa isang (dance) contest, pero kailangan niya ng sapatos. Si Kyle, siya naman ‘yung manliligaw, crush niya si Francine. Gumawa ako ng sapatos, gumawa si Kyle para kay Francine.”
Hindi naman nabanggit ni Herbert kung kailan ang airing ng Silly Red Shoes sa iWant.
Nabanggit ding kasama siya sa teleseryeng Make It with You nina Liza Soberano at Enrique Gil na sa 2020 pa ipalalabas at natatawa nagbabalik na aktor kung bakit siya ang napiling ama ng magandang aktres.
“Tatay daw ako, ewan ko, baka it’s either adopted ko siya o ako ang in-adopt nila,” tawa ng tawang sabi ni Bistek.
At reaksyon niya bilang tatay ni Liza, “malaking karangalan na maging tatay ni Liza Soberano sa itsura ko ba namang ito, ha, ha, ha. I think ang kuwento parang nagkaroon ako ng asawang foreigner, naghahanap sila ng asawa (ko) kasi maganda ‘yung istorya, tatay, nanay saka ‘yung karibal. May ganu’n istorya. Iba ‘yung istorya nina Liza at Enrique Gil, may istorya rin kami (magulang). So ‘yun ‘yung hinahanap pa.”
Ito ang teleseryeng sinasabi sa amin noon ni Direk Cathy Garcia-Molina na siya ang magdi-direk ng pilot episode dahil sa ibang bansa kukunan na nataong may shooting din siya ng pelikula sa ibang bansa kaya tuhog na.
At dahil hindi kilala ni Mayor Herbert si Liza ay nag-research siya at pinanood nito lahat ng pelikula ng aktres.
Aniya, “nag-ano ako ng mga pelikula niya, pinanood ko mga pelikula niya, she’s a good actress, parang gripo rin umiyak, very beautiful, maganda ang timing, ganda ‘yung rapport nila nI Enrique and nag-start na sila (taping) actually, nagpunta na sila ng Croatia, nag-shoot na sila ro’n.
“Hindi ako kasama sa shoot kasi ang kuwento, they went abroad to (compete). Ano kasi kami, bakers kami, so ‘yun ang pamilya namin, si Enrique at si Liza, they are also pastry chefs na nagpunta sa abroad. So, may Croatia, may Paris, sabi ko nga, sasama ako kahit tagabuhat lang ng camera, basta makasama lang. Time to bond with the kids and with the production people. Sabi sa akin, ‘saka na.’ Pagdating na lang daw sa Paris, e, ‘di sige sa Paris (sasama).”
Samantala, habang nagkukuwento si Bistek ay dumating na ang hinihintay niyang si Aga at nag-beso sila at nagpasalamat ang huli sa pagdating ng kaibigan way back sa pelikulang Bagets, 1984.
-REGGEE BONOAN