HABANG papalapit na ang pagtatapos ng collegiate career ni Ateneo floor leader Matt Nieto, may isa silang kakampi na tila handa ng naghahanda ng pumalit sa maiiwan nyang puwesto.

Ang sophomore na si SJ Belangel ay nagtala ng kanyang career-high 14 puntos matapos ang 5-of-9 shooting sa loob lamang 13 minuto sa 86-64 na panalo ng Blue Eagles kontra University of the Philippines Flighting Maroons sa pagtatapos ng elimination round noong Miyerkules.

Ang nasabing pagputok sa opensa ng 20-anyos na guard sa limitadong oras ay nakatulong sa 2-time defending champions upang selyuhan ang 14-0 sweep ng eliminations at makamit ang outright finals berth, ang unang pagkakataon sa UAAP seniors basketball mula ng huling gawin ito ng University of the East, 12 taon na ang nakakalipas.

Dahil dito, si Belangel ang napili bilang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps UAAP Player of the Week.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Para kay Belangel, ginagawa nya ang lahat hindi lamang para sa isa pang championship, kundi para sa kanilang mga graduating seniors upang magkaroon ng magandang send-off.

“Sa akin lang, para ‘to sa mga seniors ko especially kay kuya Matt at kuya Mike [Nieto] at saka siyempre yung ibang seniors kasi last year na nila,” ani Belangel.

“Nung juniors, wala akong chance na makasama sila kaya lagi ko na lang nire-remind sa sarili na lalaro ako para sa mga seniors ko. Luckily, maganda laro ko.”

At kahit kabilang sa malalim na rotation, nagawa pa rin ni Belangel na maging isang reliable reserve para kay coach Tab Baldwin sa naitala nitong averages na 6.4 puntos, 2.1 rebounds, at 1.9 assists.

Sa ngayon, lagi lang syang nakahanda na ibigay ang kanyang makakaya upang matulungan ang Ateneo na makamit ang target nilang 3-peat.

“Lagi lang ready whether pinapalaro ka or ‘di man,” ani Belangel. “Basta pag nasa bench ka, kapag tinawag ka ni coach, laging ready lang. Kahit one minute ka lang, bigay mo lahat.”

Tinalo ni Belangel sina La Salle forward Jamie Malonzo, UE guard Rey Suerte at mga women’s standouts Mar Prado ng Adamson at Jack Animam ng National University para sa lingguhang award.

-Marivic Awitan