ISA sa pinakamagagandang success stories ng manager-talent partnerships sina Ogie Diaz at Liza Soberano.
Na-discoverer ni Dudu Unay sa Facebook, ipinakilala ng una si Liza kay Ogie noong panahong kapipirma lang ng kontrata sa GMA Network ng barely teenager pa lang noon na newcomer.
Nagandahan at nabaitan si Ogie pero higit sa lahat ay nagustuhan niya ang determinasyon ni Liza na maiahon sa krisis ang pamilya, kaya nanghinayang siya.
Pero nabasa ni Ogie na may nakasaad sa kontrata na maaari pang umurong si Liza sa GMA-7 sa loob ng isang buwan. Ora-orada nilang pinawalan ng bisa ang kontrata.
Madaling sabihin na “and the rest is history” pero bumilang muna ng apat na taon bago nakilala at sumikat si Liza. Marami silang pinagdaanang mga pagsubok bago naabot ni Liza ang stardom.
Yes, kasama ang mga trabahong pinalipas at hindi ipinatanggap ni Ogie dahil mas makakasira kaysa makakatulong kay Liza pagdating ng araw. Pero paano ang mga pangangailangang pinansiyal?
Maraming beses nagpaluwal si Ogie.
Inakala ko noon hindi niya ito ilalabas, pero kahapon ay ipinost niya ito sa kanyang Facebook account. Naririto:
“Napanaginipan ko si Liza Soberano. Eksenang nagsisimula pa lang siya noon. Panaginip na nagbabalik-tanaw.
“Akala kasi nu’ng iba, dahil sa ganda at kinis ng kutis ni Liza ay galing siya sa mayamang pamilya.
“Pero hindi po. Walang-wala ang bagets noon nang makilala ko. Andu’n lang talaga ‘yung goal niya na umahon sa buhay. Parang from rags to richest ang peg ng buhay niya.
“Oo, nagkautang sa akin si Liza noon. Sila ng dad niya. Sabi ko, pay when able. Halos umabot ng 500k, pero alalang-alala na ang mag-ama kung paanong mababayaran dahil nag-start pa lang ang kanyang career.
“Sabi ko, ‘Daddy, Hopie, pay when able ‘yan. ‘Wag kayong mag-alala. Sumusugal tayong lahat.”
“Pero alam n’yo ba nu’ng nagka-TV commercial siya? Juice ko, talagang sabi ni Liza, ‘Tito Ogie, mababayaran na po namin lahat ang utang namin sa inyo. Ayoko po kasi nang may utang pa. Thank you po, ha?’
“Actually kaya rin malaki ang utang na loob ni Hopie sa Tita Joni Lyn Castillo-Pillarina niya ay ginive-up nito ang business nito para tutukan ang kanyang career.
“Kaya nu’ng bumongga ang career ni Liza, sabi ko sa kanya,
‘Baligtad na ngayon. Ako na ang mangungutang sa ‘yo, nak.’
Nagkatawanan na lang kami.” “Kaya nakakatuwa ang batang ‘yan. Masarap pautangin. Kasi marunong magbayad. Allergic sa utang.
“At mahal na mahal ang pamilya. “Itsitsismis ko lang, ha? Alam nyo ba yang si Liza....
“Ay, tama.... ito na lang ang itsitsismis ko ‘pag nag-guest ako sa Tonite With Boy Abunda sa Monday. Hehehe.
“Bitin muna.”
Pinagtatagpo ng tadhana ang mga taong magkasundo sa pag-uugali, values, at likas na pagiging matulungin sa kapwa. Kung pagmamasdang mabuti, ang mga taong katulad nila ang tuluy-tuloy na umaasenso sa buhay.
Katunayan, si Liza ang isa sa most bankable stars ngayon na pinag-aagawan ng top companies para maging endorser ng kani-kanilang produkto.
Si Ogie naman, bukod sa patuloy sa pagtuklas ng mga bagong talent ay producer na ngayon ng pelikulang Love You Two na pinagbibidahan nina Yen Santos, Kid Yambao at Lassie Marquez.
-DINDO M. BALARES