MADAMDAMIN at punong-puno nang pagiging makabayan ang lirika ng awiting ‘Pilipinas’ na nilikha ng all-Pinoy band Johnny Cross na gagamiting opisyal na awitin ng Team Philippines sa 30th Southeast Asian Games.
Sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission (PSC) nabuo ang awitin at inaasahang ipakikilala sa gaganaping PEP Rally ng Team Philippines sa Nobyembre 13 sa Rizal Memorial Baseball Field sa Malate, Maynila.
Pinamumunuan ang Johnny Cross ng bokalista na si Rey Mallari, beterano ring sports editor ng Manila Standard, kasama ang mga batikang musikero, kabilang ang gitaristang si Prospero Roman.
Layunin ng awitin na makapagbigay inspirasyon sa atletang Pinoy at mabigyan ng sapat na suporta sa kanilang adhikain na magtagumpay para sa bayan.
“Binuo ko siya para talaga sa ating mga national athletes,” pahayag ni Mallari sa panayam ng Radyo Pilipinas 2.
Samantala, ipakikilala ni Team Pilipinas chef de mission at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez ang ‘flag bearer’ para sa Team Philippines sa SEAG.
“Malaman n’yo during sa PEP Rally on November 13 sa Rizal Stadium,” sambit ni Ramirez.
“Our athletes are the heart of every competition. So I think it is right for them to be at the helm of our delegation and inspire our other athletes.”
Nauna nang naipahayag ni Ramirez na ang napipisil niyang SEA Games flag bearer ay sina artistic gymnastic world floor exercise champion Carlos Edriel Yulo, female boxer world featherweight queen Nesthy Petecio at world boxing bronze winner Eumir Felix Marcial, Rio de Janeiro Olympics weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz, 2020 Tokyo Olympics-bound pole vaulter Ernest John Obiena at judoka Kiyomi Watanabe.