CAMP DANGWA, Benguet – Labing-siyam na katao ang nasawi habang sugatan naman ang 22 iba pa nang mahulog sa bangin ang sinasakyang truck sa Conner, Apayao, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO)-Cordillera information officer Major Carol Lacuata, ang mga nasawi na sina Margie Agustin Pamittan, Amparo Ole Aberion,63; Brenda Datul Talay,25; Imelda Ole Talay, Pacita Dajucon, Mercy Pataras Gundan, Leticia Bayaua Patay,49; Susana Ballesteros Milo,48; Rosemarie Bayaua Molina, Hermilinia Dacucuy,57; Ludalina Talay Molina at Aida Batallones; Domingo Gundan Asperela, 66; Mamerto Pigaten Milo, 62; Conrado Molina Sabatan, 70; Claro Culili Mamauag, 71; Jason Verdadero Talay, Rudy Velasco Pagtama, 38 at Reymundo Battad Sosa.

Ang mga ito ay pawang taga- Lattut, Rizal sa Cagayan, maliban lamang kay Batallones na taga- Conner, Apayao na nakisakay lamang mula sa Tuao, Cagayan.

Tatlo ang iniulat na bahagyang nagalusan sa aksidente, samantalang ang drayber at 18 pang sugatan ay ginagamot ngayon sa Conner District Hospital.

‘Messenger.com,’ hindi na magagamit simula Abril 2026

Sa police report, kagagaling lamang ng 43 pasahero ng naturang truck sa Bgy. Gagabutan West sa Rizal, kung saan kinuha ang libreng corn seed na bigay ng pamahalaan.

Sinabi naman ni Conner Municipal Police chief, Captain Manuel Canipas, Jr., kargado rin ng saku-sakong palay at mais ang truck na may plakang HRM-189 na minamaneho ni Maytofor Datul, 39, at pagmamay-ari naman ni Merlito Culili Gannaban, nang maganap ang aksidente.

Naiulat na nag-shortest route ang truck sa bulubunduking highway ng Conner patungong Bgy. Lattut, nang biglang magkaroon ng mechanical defect kasunod ng paghinto ng makina hanggang sa bumulusok sa bangin sa Sitio Gassud, Bgy. Karikitan, ng nasabing bayan, dakong 7:00 ng gabi.

Sa kabila ng pagbuhos ng ulan ay nagsagawa pa rin ng retrieval operation ang mga tauhan ng local government ng Conner at private volunteers.

-RIZALDY C. COMANDA