Isang rider ang napatay nang barilin ng dalawang lalaking nangharang sa kanya sa Taytay, Rizal, nitong Huwebes ng madaling araw.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktimang si Ronilo Ampong, nasa hustong gulang, dahil sa tama ng bala sa sikmura.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, naganap ang krimen sa Purok-6, C6 Road, Barangay Sta. Ana, dakong 4:30 ng madaling araw.
Sakay umano ang biktima ng kanyang motorsiklo at binabagtas ang naturang lugar nang biglang harangin ng mga suspek.
Hinaltak umano ng isa sa mga suspek ang motorsiklo ng biktima at nang manlaban ay kaagad na siyang pinaputukan sa sikmura.
Tumakas ang dalawang suspek matapos ang krimen.
Isinugod naman ng ilang saksi sa pagamutan ang biktima ngunit binawian rin ng buhay.
Tinutugis na ng mga pulis ang mga suspek upang panagutin sa krimen.
-Mary Ann Santiago