ISINUSULONG ng bayan ng New Lucena sa probinsiya ng Iloilo na pormal na kilalanin ang papel nito sa kalayaan ng Pilipinas dahil sa Iloilo pormal na isinuko ng mga Espanyol ang mahigit 300 taon ng kolonisasyon.

“We want more Ilonggos and Filipinos to know and appreciate our role in history,” sinabi ni Mayor Liecel Mondejar Seville.

Ito ay matapos gunitain kamakailan ng mga mamamayan ng New Lucena ang “Cry of Jelicuon”, na nangyari 121 taon na ang nakalipas.

Sinabi ni Seville sa Balita na inimbitahan pa nila ang mga kinatawan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) para saksihan ang reenactment.

“The Cry of Jelicuon was a turning point,” diin ni dating Iloilo vice governor Demy Sonza.

Kilalang historian, ipinaliwanag ni Sonza kung paanong ang Iloilo ay nagkaroon ng magkasalungat na papel sa daan tungo sa lubusang pagtamo ng kalayaan, na nangyari halos anim na buwan matapos ang deklarasyon ni Emilio Aguinaldo sa Cavite.

Noong una ay sinuportahan ng mga Ilonggo ang Spain sa simula ng 1896 revolution hanggang sa puntong nagpadala pa ito ng volunteer battalion sa Luzon para makipaglaban kasangga ang mga Kastila. Dahil dito, naglabas ang Queen Regent ng Spain na si Maria Cristina ng royal title na La Muy Leal y Noble Ciudad (The Most Loyal and Noble City) sa Iloilo.

Ngunit nagbago ito pagsapit ng Oktubre 25, 1898 nang magtungo si General Martin Delgado sa Jelicuon at hiniling sa kanyang mga tao na iwaksi ang katapatan sa Spain at mag-aklas.

Si Delgado, na kalaunan ay naging unang Pilipinong gobernador ng probinsiya ng Iloilo, ay iprinoklama ang Provisional Revolutionary Government of the Visayas makalipas ang dalawang linggo sa bayan ng Sta. Barbara, kung saan pininiwalaan na unang itinaas ang watawat ng Pilipinas sa labas ng Luzon.

Nangako si Seville na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ng New Lucena ang taunang reenactment sa mga susunod na taon.

-Tara Yap