APAT na lindol ang tumama sa Mindanao simula nitong Oktubre – isang magnitude 6.3 noong Oktubre 16, magnitude 6.6 noong Oktubre 29, magnitude 6.5 nitong Oktubre 31, at magnitude 5.5 nitong Nobyembre 1 . May pitong katao ang nasawi sa unang lindol, siyam sa pangalawa, at lima sa pangatlo, karamihan ay dahil sa falling debris.
Ang apat na lindol ay muling nagpapaalala sa atin na ang ating bansa ay nasa Pacific “Ring of Fire” na hindi lamang tadtad ng mga bulkan kundi nakaupo rin sa ibaba ng major tectonic plates na nagbabagaan, bumubuo ng matinding tensiyon na, kapag biglaang pinakawalan, ay nagbubunsod ng pag-aalburoto ng mga lupa na lilikha ng mga lindol.
Kung saan nagbabanggaan ang dalawang plates, naririto ang tinatawag ng scientists na fault. Isa sa pinakamalalaking faults sa Pilipinas ay ang West Valley Fault, na tumatakbo mula Bulacan pababa sa eastern Metro Manila, hanggang Cavite. Hinulaang magdudulot ito ng malaking lindol sa Metro Manila anumang oras sa hnaharap, kaya naman nagdadaos tayo ng taunang mga pagsasanay upang ihanda ang mamamayan, partikular na ang ating mga estudyante, na maging handa para sa “Big One,” isang magnitude-7.1 na lindol.
May mga rekord ng lindol sa Pilipinas simula ika-17 siglo sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Isa ay noong 1645, na may magnitude 7.5, na pumatay ng mahigit 600 katao at ikinasira ng Manila Cathedral at iba pang mga mga simbahan sa Manila at mga karatig na lalawigan. Ang lindol noong 1863 ang lubusang nagwasak sa cathedral, sa Ayuntamieno (city hall) at sa Governor’s Palace at sa marami pang lugar sa lungsod, na nagpuwersa sa governor-general na ilipat ang kanyang tirahan sa Malacañang may tatlong kilometro ang layo sa pampang ng Pasig River.
Sa panahon ng mga Amerikano noong ika-20 siglo, ang pinakamalakas na lindol ay ang magnitude 8.3 noong 1918 na yumanig sa katimugan ng Pilipinas, na sinundan ng tsunami na pumatay ng 52. Isang magnitude 8 ang tumama noong 1976, sinundan ng mapinsalang tsunami mula sa North Celebes Sea na humampas sa baybayin ng southern Mindanao. Noong 1990, isang magnitude 7.7 ang tumama sa Luzon, nagdulot ng malawakang pinsala sa mga siyudad ng Baguio, Dagupan, at Cabanatuan, at nag-iwan ng 1,621.
Ang mga ito ay ang pinakamalalakas lamang sa maraming mga lindol na naitala sa kasaysayan ng Pilipinas. Kayat ang apat na lindol na tumama sa Mindanao kamakailan ay hindi na dapat ikagulat.
Ngunit ipinaaalala din nila sa atin na kailangan nating palaging maging handa anumang oras sa para sa lindol, na dapat nating protektahan ang ating mga sarili mula sa falling debris, ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay. Kayat ang mga batang mag-aaral ay sinasabihan na takpan ang kanilang mga ulo, kahit ng libro lamang, habang papalabas ng umuugang gusali.
May mga agam-agam sa maraming matataas na gusali na itinayo sa buong bansa. Ilang imbestigasyon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang itinakda upang matukoy kung ang mga gusaling ito ay itinayo na mayroong steel bars upang higit na kakayanin ang malakas na lidol.
Ang apat na magkakasunod na lindol sa Mindanao ay isang paalala na ang mga lindol ay hindi maiiwasang bahagi ng buhay sa Pilipinas. Sa pagtitiyak ng gobyerno na ang ating mga gusali ay maayos na napatibay at ang ating mga mamamayan ay nahasa kung paano protektahan ang kanilang mga sarili, dapat ay magagawa nating lagpasan ang mga bantang ito sa buhay sa ating bansa.