“MAY karapatan kayong magprotesta, kung, kinakailangan, kung nalalagay ang inyong lugar sa panganib.
Pero, kung iyan naman ay nagpapangalagaan, sa pagitan ng inyong kapakanan at ang krisis na nais naming maiwasan, gagamitin ko ang extraordinary powers ng pangulo. Hindi ko hahayaan ang mamamayan na mamuhay nang walang tubig kahit maiinom man lang,” wika ng Pangulo nito lang Lunes. Ang tinutukoy niyang gagamitan niya ng di-pangkaraniwang kapangyarihan ay ang pagpapagawa ng Kaliwa dam na, sa kaniya, ito ang tutulong sa mga kasalukuyang mga dam na tutustos sa kinakailangang tubig sa Metro Manila at karatig pook. Dahil hanggang ngayon, kaunting bagyo ang pumasok
sa bansa, hindi sapat ang nakaraang ulan para punuan ang mga dam. Bumabalik ang nakaraang sitwasyon na kinakapos ang supply ng tubig at ang dalawang water concessionaire ay nagpatupad na ng rotational service interruption.
Ganito gagamitin ng Pangulo ang kanyang extra-ordinary power: “Expropriation o police power. Tuwiran iyan. Pumunta na kayo sa korte at magsampa ng kaso kung gusto ninyo. Naroon ako samantalang magsisimula na akong humanap ng paraan para bigyan ng tubig ang mamamayan. Ang inyong pangamba, tulad ng mga pamahalaang lokal, ay polusyon. Sasabihin ko ang gagawa ng proyekto na maglagay ng proteksyon. Pwedeng makalikha ng panganib o makapinsala, pero hindi iyan ang aking ikinababahala. Ang ikinababahala ko ay ang kapakanan, ang higit na makabubuti sa higit na nakararami. Iyan ang demokrasya,” wika pa niya.
Hindi ko alam kung anong klaseng demokrasya ang tinutukoy ng Pangulo. Una, nang pumasok ito sa kasunduan sa China, nang dumalaw siya rito, hinggil sa pagpapagawa ng dam, ang karapatan sa due process ng mga pamahalaang lokal at mga taong maaapektuhan ng proyekto ay hindi sinangguni. Hindi dininig ang kanilang panig na siyang itinatakda ng batas. Ngayon lang ginagawa ito sa paraang mag kahalong pagpapanggap at panloloko na hindi magbubunga ng nilalayon ng batas dahil binabraso na ang pagpapagawa. Ikalawa, nakasaad sa kontrata na kung sakali mang magkaaberya ang pagpapatupad nito, ang anumang kaso o hindi pagkakaunawaan ay diringgin at lulutasin sa China. Eh ang inutang ng Pangulo para sa proyekto ay P18.7 billion na ang magbabayad ay hindi lang iyong mga diretsuhang makikinabang dito kundi ang sambayanang Pilipino. Ikatlo, hindi lang polusyon ang reklamo laban sa dam. Gigibain ang malaking bahagi ng bundok; sisirain ang mga punong daan taon nang nabubuhay dito; ilalagay sa panganib ng paglubog ang mga mababang lugar na nakapaligid dito, partikular ang Teresa at Tanay sa Rizal at General Nakar at Infanta sa Quezon; wawasakin ang kapaligiran at ecosystem; higit sa lahat, itataboy sa kanilang kinamulatang lugar ang may 20,000 na katutubong Dumagat. Ang grabe at malawakang pinsala na ibubunga ng pagpapagawa ng dam ay siyang kabayaran ng sambayanang Pilipino para lang sumapat ang supply ng tubig sa Kamaynilaan at karatig pook. Sa palagay ninyo, tama ang Pangulo na iyong binabraso niyang proyekto ay para sa higit na ikabubuti ng higit na nakararami? Naaayon ba sa demokrasya ang kanyang pamamaraan para lang magawa ang dam?
-Ric Valmonte