Siyam na katao ang nasugatan nang salpukin ng isang pampasaherong bus ang isang van sa Subic-Clark-Tarlac expressway (SCTEX) sa Barangay Asturias, Tarlac City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Police Staff Sergeant Paul Andrew Pabustan, traffic investigator, ang siyam na sina Darwin De Vera, 38, may-asawa, driver ng Mitsubishi L-300 van; pasaherong sina Scarlet, 11; Naigel Geslani, 6; Densry Mabunga, 22; Bianca Ragel, 15; Glez Patungan, 18; Meanne Castillo, 18; Hercules De Vera, 19; at Clarisa Servania, 23, pawang taga-Quezon City.
Sinabi ng pulisya na binabagtas ng van ang nasabing kalsada patungong hilaga nang biglang salpukin ng Viron bus na may plakang WIS-362 na minamaneho ni Ronald Angco, 45, may-asawa, ng Bgy. 13 Baay, Batac, City of Ilocos Norte.
Isinugod sa Tarlac Provincial Hospital ang siyam na nasugatan.
-Leandro Alborote