“SINABI ko, kung gusto niya gagawin ko siyang drug czar. Marami siyang reklamo. Kung mas magaling ka kaysa akin, ibibigay ko ang buong kapangyarihan ko sa drug war. Bibigyan kita ng anim na buwan.
Tingnan natin kung makakaya mo. Isusuko ko ang lahat ng kapangyarihan kong pairalin ang batas. Ibibigay ko ito sa Pangalawang Pangulo sa loob ng anim na buwan. Tingnan natin kung ano ang mangyayari. Hindi ako makikialam. Gusto mo? Mas magaling ka? Subukan mo,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang pakikipag-usap sa mga mamamahayag sa Malacañang. Ganito niya sinagot ang komento ni Vice-President Leni Robredo na bigo ang kanyang malupit na war on drugs sa kabila ng kanyang pananakot sa mga sindikato ng droga at drug lords. Sa panayam sa kanya ng Reuters noong Miyerkules, sinabi ni VP Leni na yamang bigo ang war on drugs ng Pangulo, pahintulutan na niya ang United Nations na imbestigahan ang kampanya nito na pumatay ng mahigit na 6,000 tao.
Para kay Cong. Edcel Lagman, maling hakbang ito na ipaubaya sa Vice-President ang paglutas sa problema ng droga. Dapat, aniya, ay tanggapin na ng Pangulo na mali ang kanyang paraang ginamit laban dito. “Kamay na bakal at marahas na kampanyang itinataguyod ng pulis at militar laban sa drug pusher at user ay nabigo sa United States, Mexico, Columbia at Thailand dahil ang problema sa droga ay higit na isyu ng kahirapan at kalusugan kaysa para sa pulis,” dagdag pa niya.
“Bakit anim na buwan lang? Gawin mo nang tatlong taon at masisiguro ko na ang tone-toneladang shabu ay hindi mapapayagang lumabas sa Bureau of Customs, walang araw-araw na pagpatay ng mga mahirap nating kababayan habang ang mga ninja cops at miyembro ng sindikato ay nabibigyan ng mga magandang posisyon,” wika naman ni Sen. Francis Panigilinan. Inulit lamang niya ang ganitong panawagan ni Sen. Leila de Lima sa Pangulo: “Sundin mo ang Saligang Batas. Ipadala mo sa Kongreso ang iyong nakasulat na deklarasyon na hindi mo na kayang gampanan ang iyong tungkulin, at hayaan nang si Robredo ang gumanap.”
Lumawak na ang pagkakaintindi sa ginawang hamon ng Pangulo kay VP Leni na pamunuan nito ang kampanya laban sa droga. Sukat ba namang sabihin mong isusuko mo ang lahat at buo mong kapangyarihan para sa layuning ito. Pag-amin na hindi mo na kayang ituloy ang inumpisahang mong proyekto, kahit ba palipad-hangin ito. Lalo na sa panahong ito na hayag na sa bayan na may karamdaman ang Pangulo na dahilan upang hindi niya magampanan ang ilan sa kanyang mga tungkulin. Isa pa, binabatikos ang war on drugs hindi dahil nais ipatigil na ito. Binabatikos ito dahil sa kaakibat nitong karahasan. Pumapatay ito, eh hindi naman problemang pulis o militar ang droga kundi problemang kahirapan at kalusagan. Eh ang pagpatay ay nalilimatahan lang sa mga dukhang gumagamit ng droga at ang pagbebenta nito ay ginagawa lang nilang pantawid gutom. Samantala, nagpipista naman ang mga drug lord at sindikato sa droga dahil malaya nilang naipupuslit at naibebenta sa bansa ang kanilang produkto kasangkot pa ang mga nasa gobyerno. Repasuhin ang war on drugs upang maihulma sa wastong konteksto.
-Ric Valmonte