ANG pagkamatay nitong nakaraang Sabado ni Abu Bakr al-Bhagdadi, ang lider ng ISIS – para sa Islamic State in Iraq and Syria – ay isang malaking balita sa Middle East na matagal nang nagdurusa sa brutal na kampanya ng ISIS para magtatag ng isang Islamic caliphate na pinagbubuklod ang mga Islamic islands sa ilang parte ng mundo.
Nagawa ng ISIS na masakop ang malaking bahagi ng Syria at Iraq, nilaban ang mga tropa ng dalawang bansa gayundin ng United States na matagal nang may presensiya sa Iraq, nakilala ito sa malupit na pagtrato sa mga mamamayan ng mga nakubkob na lupain gayundin ang Westerners, kabilang na ang mga mamamahayag, na naipit sa mga lugar na mayroong digmaan.
Naging pangunahing Islamic group ang ISIS, matapos bumagsak ang Al-Qaeda, na nasa likod ng mga pag-atake sa World Trade Center sa New York noong 2001 at sa pagkamatay makalipas ng sampung taon ng lider nitong si Osama bin Laden na pagsalakay ng American special forces sa kanyang pinagtataguan sa Pakistan.
Nitong mga nakaraang taon, nabawi sa ISIS ang marami sa mga lugar na dati nitong inagaw. At nitong Sabado, mismong si al-Bhagdadi ang bumagsak sa kamay ng US special forces operation sa Idlib province ng Syria, matapos siyang matunton sa pamamagitan ng mga impormasyong natipon ng Syrian at Iraqi intelligence agents gayundin ng Kurdish forces sa rehiyon. Pinili niyang pasabugin ang sarili sa pag-detonate sa kanyang vest na puno ng pampasabog nang masukol siya sa dulo ng isang tunnel.
Inambisyon ng ISIS na magtayo ng isang pandaigdigang caliphate at bumaling sa Southeast Asia ilang taon na ang nakalipas, kung saan sinimulan ng mga mandirigma nito ang pakikipagtrabaho sa mga lokal na Islamic forces. Sumali sila sa mga Maute sa pagsalakay sa Marawi City noong Mayo, 2017, nagwagayway ng mga bandila ng ISIS nang makubkob nila ang central district ng lungsod at mga katabing komunidad.
Ang bakbakan ay nagdulot ng mga pangamba na nagkakaugat na ang ISIS sa Southeast Asia, sang-ayon sa mga ambisyon nito, ngunit makalipas ang limang buwan, nagtagumpay ang mga tropa ng Pilipinas sa pagtaboy sa mga rebeldeng suportado ng ISIS sa Marawi.
Sa pagpupulong ng Southeast Asian defense ministers kalaunan sa Clark, sinabi ni Defense Minister Hishamuddin Hussein ng Malaysia na ang pagsalakay ay isang panggising, na ang nangyari sa Marawi ay maaari ring mangyari saanmang lugar.
Nitong Lunes, nagbabala si National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. na maaaring magsagawa ng terror attacks ang mga Abbu Sayyaf, Maute at iba pang mga grupo sa Mindanao para patunayan na kaya pa rin nilang magsagawa ng mga mapinsalang opensiba sa kabila ng pagkamatay ni al-Baghdadi. Nanawagan siya na manatiling nakaalerto, lalo na sa ilang lugar sa Mindanao, kung saan patuloy na kumikilos ang extremist groups.
Totoong patay na nga si al-Baghdadi ngunit nakatakda siyang palitan ng ibang lider ng ISIS kaya’t ang mga gobyerno ng Syria, Iraq at ng US ay nasa high alert ngayon. Bilang lugar ng pagsisikap ng ISIS na makapagkalat sa Southeast Asia noong 2017, dapat ding nasa high alert ang Pilipinas.