LIKAS na yata sa ating mga Pinoy ang agad na naghahanap ng mauutangan kapag nagigipit o may matinding pangangailangan na pang-financial, kaya ika nga’y: “Kahit sa patalim na 5-6 kumakapit!”
Palasak ito kahit saang lugar, noon pa man, lalo na sa mga malapit sa palengke at iba pang business community. Basta ba mararating ni mamang nakamotorsiklo – na kung tawagin ay si “Mang Bombay”– na ang alok sa mga interesado ng konting pandagdag pondo sa negosyo, ay cash na pautang na may tubong 20 porsiyento o mas kilala sa tawag na 5-6.
Ngunit ngayong henerasyon ng mga “millennial”, kahit lutang pa rin ang utangan ng 5-6 sa maraming lugar – ay medyo naging moderno na ang pag-utang at nagagawa na ito ng “online”, bawas ang hassle nang paglusob sa usad pagong na daloy ng trapiko papunta sa mga financing institution at pati na nga pagbayad – online na rin!
Nito lamang mga nakaraang buwan, lumutang sa mga balita ang hinggil sa 67 online lenders na inirereklamo sa National Privacy Commission (NPC), dahil sa “illegal practices” umano ng mga ito na, lalo na kapag medyo nagipit ang mga nakautang at hindi agad nakapagbayad sa itinakdang panahon.
Karamihan sa mga nagreklamo ay sinasabi na ang konting halaga na inutang nila sa mga “online lenders”, ang kapalit ay ang kahihiyan nila at ng buo nitong pamilya dahil ang lahat halos ng kaibigan nila – na nakalista sa contact nila sa social media gaya ng Facebook at Twitter – ay nalalaman na may utang sila na ‘di pa nababayaran!
Sa dami ng reklamong natatanggap mula sa “online borrowers” na karamihan lang naman ng pagkakautang ay mula P3,000 hanggang P20,000 medyo nabahala na rin ang NPC kaya’t kumilos na agad ito upang mag-imbestiga.
Di naman nagpahuli ang Securities and Exchange Commission (SEC) at agad ding kumilos upang malaman kung ang “online lenders” na tinutukoy ng mga nagrereklamo ay mga lehitimong “financing institution” na anito’y: “had resorted to shaming them (online borrowers) if they could not pay their debts, allegedly violating their data privacy rights.”
May mga ipinatawag na ang SEC upang hingian ng paliwanag hinggil sa mga reklamong natanggap nito, subalit karamihan sa “online lenders” na nasa internet ay ‘di mahagilap dahil sa mga maling address na nakapaskil sa mga website ng mga ito.
Dahil sa problemang ito, mismong ang SEC ang nagpalabas ng anunsiyo (published notifications) sa mga media at inutusan ang mga nakalistang opisyal – board of directors at mga corporate officer ng online lenders – na magpunta sa tanggapan ng SEC upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila.
Kapag hindi pinansin ng mga sinasabing “online lenders” ang panawagang ito ng SEC, sinisiguro ng tanggapan na ipapatupad nila ang buong puwersa ng batas upang matigil ang ilegal na gawaing ito na namamayagpag ngayon sa social media.
Teka muna – hindi naman palaging “bad guys” ang namamayani o naghahari sa negosyong ito. Mayroon din naman kasing good guys, na kahit naaayon sa batas ang kanilang ginagawa ay sobrang apektado naman sila ng kapalpakan ng iba o mga kakumpitensiya nila sa negosyong kagaya nga nitong sa “online lending” na patok ngayon sa mga millennial.
Isa sa sobrang naapektuhang kumpaniya na tinatangkilik ng maraming napagsilbihan naman nito nang maayos ay ang FCash Global Lending Inc na unang-unang tumugon sa panawagan ng NPC at SEC.
Ayon kay Dean J.V. Bautista, abugado ng FCash Global Lending Inc: “The company’s business operations are completely legal and regulations-compliant. It is duly registered with SEC as a corporation, and has been issued the requisite license to operate as lending company.”
Ang sabi ng mga opisyal ng naturang kumpaniya ay maglalabas sila sa lalong madaling panahon ng kanilang “position paper” upang ipaliwanang sa publiko ang kanilang operasyon, at ang kusang loob pagtulong sa imbestigasyon na ginagawa ng SEC at NPC upang makagawa ng naaangkop na batas, na dapat sundin sa negosyong ito ng “online lending.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.