KUNG tao, dalaga o binata na ang I-Witness na isinilang sa GMA-7 20 taon na ang nakalilipas. Pero bilang programa sa telebisyon, isa na itong institusyon.Unang umere ang I-Witness habang aligaga at nangangamba ang mundo sa pagpapalit ng milenya, at naramdaman ng GMA News and Public Affairs ang pangangailangan ng bagong pamamaraan sa pagsasalaysay ng mga kuwento sa pamamagitan ng dokumentaryo. Ngayon, I-Witness ang isa sa pinakamatatag at nangungunang TV documentary program sa Philippine television.
Kakaiba’t kahanga-hanga ang dedikasyon sa pamamahayag ng hosts nito. Kung ano ang mga paksa at lugar na iniiwasan ng mga pasosyal na journalists, iyon ang kanilang tinatalakay at pinupuntahan.Mahigit sa 1,000 dokyu na ang isinahimpapawid ng I-Witness na naglantad sa iba’t ibang uri at takbo ng buhay ng ating mga kababayan. Naihatid ng programa sa viewers ang mga kuwentong nagpapakita ng magagandang katangian ng ating lahi, pati na ang mga hindi nalalantad na mga kasaysayan na may kinalaman sa mga nagaganap sa ating lipunan.
Pero hindi pa sapat ang lahat, marami pang kuwento na kailangang isalaysaysay, kaya nitong nakaraang Oktubre 25, muling nanindigan ang hosts ng programa na sina Kara David, Sandra Aguinaldo, Atom Araullo, at Howie Severino na ipagpapatuloy nila ang kanilang paglikha ng mga makabuluhang dokyu.
Ang kanilang contract signing ay dinaluhan ng mismong GMA Network Chairman/CEO na si Atty. Felipe L. Gozon, President/COO Gilberto R. Duavit, Jr., Senior Vice President for News and Public Affairs Marissa L. Flores, at First Vice President for Public Affairs Nessa Valdellon. Present din sina Senior AVP for Public Affairs Clyde Mercado at I-Witness Program Manager Joy Madrigal-Monzon.
“Ang I-Witness ay talagang premium program sa Public Affairs kaya naman nagtatagal ng 20 years at sangkatutak na awards ang nakukuha niyan,” pahayag ni Atty. Gozon. “Kaya naman we are very happy na we are continuing the excellent tradition of I-Witness.”
“Naging reputasyon na natin na nangunguna tayo sa mga ganiyang uri ng programa kaya patuloy naman ang pagturing sa atin ng mga ganitong programa sa Pilipinas,” wika naman ni Mr. Duavit.
“Sa pagkakataong ito, I’d like to thank Sandra, Howie, Kara, and Atom sa patuloy nilang pagtataguyod ng hindi lamang ng ganitong klaseng programa kundi sa kalidad ng features na ginagawa nila.”
Sa loob ng 20 taon, umani ng paghanga ng mga manonood at maging ng mga kapwa mamamahayag sa buong mundo ang pagsisiwalat ng I-Witness ng katotohanan.
Ito ang unang nag-uwi ng unang George Foster Peabody Award sa Pilipinas noong inaugural year, na nasungkit ng mapangahas na dokyu ni Jessica Soho na “Kamao” at “Kidneys for Sale”.
Nakamit ng programa ang pangalawang Peabody noong 2010 sa pamamagitan ng “Ambulansyang de Paa” ni Kara David.
Tuluy-tuloy ang pagkilala sa I-Witness ng international award-giving bodies gaya ng ABU/CASBAA UNICEF Child Rights Award (“Selda Inosente” at “Bata-k”, Kara David; “Batang CP”, Jay Taruc), New York Festivals (“Askal”, Vicky Morales; “Sabah: Sex Slaves”, Maki Pulido; “Boy Pusit”, Sandra Aguinaldo; “Ganito Kami Noong Martial Law”, Howie Severino), at U.S. International Film and Video Festivals (“Buto’t Balat”, Kara David; “Iskul Ko No. 1”, Sandra Aguinaldo; “Busal”, Howie Severino; “Silang Kinalimutan”, Atom Araullo, etc.), at maraming iba pa. Palagi ring winner ang programa ng local awards tulad sa Catholic Mass Media Awards, the PMPC Star Awards for Television, the Gandingan Awards of UP Los Baños, at iba pa.
Bilang pagdiriwang ng 20th anniversary, inihanda ng I-Witness ang kanilang anniversary specials na mapapanood sa lahat ng Sabado ng buwan simula Nobyembre 2, tampok ang mga natatanging dokyu ng mga nakaraan at kasalukuyanh hosts ng programa at ang mga istoryang sinubaybayan nila nitong nakaraang dalawant dekada.
Napapanood ang I-Witness tuwing Sabado, pagkatapos ng Studio 7 sa GMA-7.
-DINDO M. BALARES