ANG sugat na namuo sa Philippine National Police matapos ang pagkakasangkot ng ilang mga opisyal nito sa ilang mga high-profile na kaso ay direktang sumapol sa puso ng ahensiya.
Nayugyog ng kontrobersiya, lubos ang pagkademoralisa ng institusyon at ang naging pahayag ni Pangulong Duterte na nagdeklara ng galit hinggil sa isyu ng mga ‘ninja cops’ ay isang malaking usapin. Inis at lito, matapos italaga si Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa bilang OIC-PNP chief, ipinag-utos ng Pangulo, ang pagpapatupad ng revamp, na hindi inasahan.
Mula nang magdesisyon si PNP Gen. Oscar Albayalde na pumasailalim sa “non-duty status,” taliwas sa rekomendasyon ng Pangulo na magpasa ng “terminal leave,” lahat ng mga kaganapan na nangyayari sa loob ng ahensiya ay nagpataas sa pangangailangan na mapatupad ng bagong reporma na maaaring gumugol ng panahon na mapansin bago maibalik ang reputasyong nawala sa pambansang pulisya.
Ang maagang ‘pagreretiro’ ni Gen. Albayalde, ay hindi inasahang lilikha ng pagdagsa ng mga kaganapan na nagtatampok sa mga anumalyang nangyayari sa loob ng PNP. Malala pa rito, isang panibagong dagok, tatlo sa mga ninja cops na ikinokonekta sa dating PNP chief habang ito ay provincial director ng Pampanga ay ipinag-utos na ma-dismiss ng PNP Internal Affairs Service (IAS) sa isang panibagong kaso ng buy-bust.
At nariyan din ang karumal-dumal na Dormitorio hazing case na yumanig sa Philippine Military Academy. Bagamat matagal nang binabatikos ang hazing bilang isang masamang tradisyon na matagal nang ipinagbabawal, nananatili pa rin ang ugnayan ng mga kapatiran hanggang sa ngayon, nang hindi isinasaalang-alang kung ano ang tama, legal at nararapat.
Maging ang IAS, na nagbahagi rin ng pagkadismaya kapag ang kanila umanong mga rekomendasypon ay hindi tinatanggap ng pamunuan ng PNP, ay nagpahayag ng kagustuhan na mailagay sa labas ng kontrol ng PNP at direktang mapasailalim ng National Police Commission o Department of Interior and Local Government.
Sa mga pagdinig, nadiskubre rin ng Senado na marami sa mga kaso ng dismissal na nakarating sa Napolcom, na orihinal na nagmula sa AIS, ang ibinasura. Bagamat walang direktang tinukoy na salarin, malinaw ang suhestiyon na may ilang nasa likod na nakikialam sa mga ebidensiya. At kapag nakarating na ang kaso sa komisyon, wala nang magagawa ang mga reviewer kundi i-dismiss na lamang ang mga kaso.
Tila walang nangyayaring maganda sa loob ng sistema ng pulisya. Maliban na lamang kung magkakaroon ng tunay na pagbabago, patuloy na lalala ang lamat sa PNP, isang bagay na hindi kaaya-aya para sa walang tinag na kampanya ng pamahalaan na wakasan ang iligal na droga, kurapsyon at kriminalidad sa bansa. Isa itong mahirap na laban, ngunit tulad ng madalas mabanggit, umaasa tayong makakamit ang optimismo sa lalong madaling panahon.
-Johnny Dayang