GANAP na pinatalsik ng Adamson University ang dating kampeon na De La Salle-Zobel sa pamamagitan ng 25-20, 25-21, 25-14 panalo upang makamit ang karapatang makaduwelo ang second seed University of Santo Tomas para sa ikalawang laro sa stepladder semifinals ng UAAP Season 82 Girls’ Volleyball Tournament noong Miyerkules sa Paco Arena.

Pinamunuan ni middle blocker May Nuique ang panalo ng Baby Falcons sa itinala nitong 14 puntos kasunod si Kate Santiago na may 13 kills at 11 digs.

Nakatakdang makasagupa ng Lady Baby Falcons ang second seed at twice-to-beat University of Santo Tomas sa darating na Linggo sa Blue Eagle Gym para sa karapatang makasagupa ang outright finalist National University-Nazareth School sa best-of-three championship series.

“Marami pa ring errors eh, pero masaya ako kasi naniniwala na ‘yung mga bata sa sarili nila na kaya nilang manalo,” ani Adamson coach Lerma Giron.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Nanguna naman sa nabigong Junior Lady Spikers si Irah Jaboneta na may 11 puntos.

Sa boys division, tinalo naman ng University of Santo Tomas sa pamumuno Rey de Vega ang Adamson University, 25-17, 27-25, 25-17, upang maangkin ang huling semifinals berth.

Nagposte si De Vega ng 18 puntos mula sa 12 spikes, 5 service aces, at isang block para sa Tiger Cubs.

Pinamunuan din ni De Vega ang pagbalikwas ng UST mula sa 2-11 pagkakaiwan sa second set sa itinala nitong limang sunod na service aces upang itabla ang iskor sa 13-all.

“Sobrang nakaka-proud kasi yung lahat ng pinractice namin these past few days, nag work out lahat dito sa laro na ito. Ginusto talaga ng mga batang manalo,” ani UST assistant coach John Abella.

Namuno naman si Jefferson Marapoc para sa Adamson sa itinala nitong 17 puntos.

Makakatunggali ng UST ang topseed at twice-to-beat Far Eastern University-Diliman sa semifinals habang magtatapat sa isa Finasl Four pairing ang No. 2 seed University of the East at No. 3 seed National University-Nazareth School.

-Marivic Awitan