ANIM na kasunduan—para sa dalawang malaking proyektong pang-imprastraktura at para sa donations of communications, customs inspection equipment, rehabilitation projects para sa Marawi, at phytosanitary requirements para sa avocado exports—ang nilagdaan nitong nakaraang linggo, ng Pilipinas at mga opisyal ng China, na nasaksihan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III at China Vice Premier Hu Chunhua.
Ang dalawang proyektong pang-imprastraktura ay para sa patuloy na suporta ng China sa programang “Build, Build, Build,” ng Pilipinas. Ang una ay ang Davao City Expressway Project; ikalawa ang Panay-Guimaras-Negros Island Bridge Project. Na ang kasunduan ay nilagdaan nina Public Works Secretary Mark Villar at China Vice Commerce Minister Wang Shouweh.
Dalawang buwan na ang nakalilipas, mismong sina Pangulong Duterte at China President Xi Jinping ang lumagda sa kalahating dosenang kasunduan, kabilang pautang o loan para sa P175-bilyon Philippine National Railway South Longhaul rail project mula Maynila patungong Naga.
Matapos masimulan ang paunang bahagi ng mga proyektong pang-imprastraktura sa Luzon, sinisimulan na ang ikalawang bahagi ng proyekto para naman sa Visayas at Mindanao.
Lumalabas din na sa kabila ng pagbagal ng pandaigdigang pag-angat ng ekonomiya matapos ang 15 buwang trade war sa pagitan ng Amerika at China, hindi naantala ang pag-apruba sa maraming tulong na proyekto sa Pilipinas.
Lumalago rin ang pag-asa ng maraming bansa na mawawakasan na ang trade war, matapos ihayag ni President Donald Trump nitong nakaraang linggo na maaaring lagdaan ang isang trade agreement sa idaraos na Asia Pacific Economic Conference (APEC) summit meeting sa Chile sa Nobyembre 16-17. “I think it will get signed quite easily, hopefully by the summit in Chile where President Xi Jinping and I will both be,”aniya. Kung sakali, dapat itong magbigay daan sa isang bagong “world-wide trade boom” lalo’t ang US ang kasalukuyang pinakamalaking umaangkat na nasyon habang ang China ang nangunguna sa mundo sa pag-e-export.
Sa susunod na buwan, Nobyembre, nakatakda nang idaos ng China ang ikalawang taon nito ng eksibisyon, ang China International Import Expo (CIIE) sa Shanghai. Dapat na paghandaan ito ng Pilipinas, sa pagbuo ng mas maraming alok (proposal) upang masuplayan ang malaking bahagi ng $30 trilyong pangangailangan ng China sa susunod na 15 taon.