SA dalawampung taon ko sa politika, marami na akong nakilalang mga lingkod bayan na inilaan ang kanilang buhay sa pagsisilbi sa mga mamamayan. Hinahangaan ko ang ilang mga politiko sa kanilang abilidad, passion at kanilang hangarin para sa bansa. Ngunit may tatlong personalidad sa politika ng Pilipinas na umaangat kahit pa ikumpara sa mga pinakamagaling at pinakamatatalino: sina Joker Arroyo, Miriam Santiago, at ang tatalakayin ko ngayon, si Nene Pimentel.
May kakaibang palayaw si Aquilino “Nene” Pimentel. Hindi ko na matandaan kung paano niya nakuha ang palayaw na ito ngunit alam natin na ang “nene” ay termino para sa isang malambing na batang babae. Hindi ako sigurado na “endearing” ang pang-uring gagamitin ng mga nakakakilala sa kanya para sa kanyang marubdob na pagdepensa sa ating kalayaan at demokrasya.
Hinahangaan ko kay Nene ang katatagan ng kanyang karakter. Malinaw ang kanyang pagtingin sa tama at mali. At gagawin niya ang lahat, isasakripisyo ang lahat upang ipagtanggol ang tama. Madalas siyang napapasabak sa laban, kung usapin na ng karapatang pantao at demokrasya ang tinatalakay. Hindi niya kailanman isinakripisyo ang katotohanan para sa karangyaan, maging ang kalayaan para sa kaginhawaan.
Maraming beses nang nasaksihan ang kanyang mala-madirigmang katapangan sa ilang bahagi ng ating kasaysayan – sa 1973 Constitutional Convention, Martial Law, bilang Interior Minister, ang impeachment trial, ang kanyang pagsusulong sa pederalismo at marami pang iba.
Hindi siya interesado sa kasikatan, ang mahalaga sa kanya ay kung ano ang tama. Wala siyang pakialam hinggil sa gayak ng kapangyarihan, ang mahalaga sa kanya ay ang kinabukasan ng ating bansa. Maaari niyang tanggapin ang kapangyarihan at yumaman, ngunit nauunawaan niya kung nasaan ang kanyang katapatan—sa mga mamamayang pinagsisilbihan niya.
Malinaw kong natunghayan ang matatag na paninindigan ni Nene para sa tama, nang kuyugin ako sa Senado dahil sa mga politikal na ambisyon ng ilan sa pamamagitan ng isang ethics investigation.
Sinabi ni Nene sa akin na maging matatag ako dahil nasa panig kami ng katotohanan. Sa pagbabalik sa nakaraan, marahil ito ang isa sa pinaka maipagmamalaki kong kaganapan sa aking politikal na karera. Ang makitang nasa aking panig sina Nene, Joker at Miriam habang ipinaglalaban ko ang akong reputasyon at ang katotohanan.
Hindi ko na muling babanggitin ang maraming tagumpay ni Nene. Marami pang malinaw na parangal ang una nang nagbigay-papuri para sa kanyang legasiya. Siya ang tagapagtanggol ng ating demokrasya sa panahon ng kadiliman. Maaalala siya sa maraming mabuting bagay na ginawa niya para sa bansa—ang muhong batas para sa lokal na awtonomiya, ang masigasig niyang adbokasiya para sa pederalismo at marami pang iba.
Para sa akin, si Nene ay isang mabuting kaibigan na palaging nariyan upang magbigay ng payo at tumindig sa aking panig sa kabila ng lahat. Mami-miss ko ang mga pagkakataon sa Senado kung saan mag-uumpok kami, madalas kami lamang dalawa, upang pag-usapan ang mga isyu at estratehiya. Hahanap-hanapin ko ang mga panahong nagbibiruan kami at tatawa siya kasama ng kanyang tila malat na boses.
Pinagmamasdan ko ang ilang mga larawan sa naging necrological services sa Senado at bagamat nakapupukaw ng damdamin ang naging pagkilala ng mga kasalukuyan at dating mga senador, nagalak ako sa nasilayan kong mga empleyado ng Senado na nagbibigay ng kanilang huling pagpupugay sa dating Senate President. Nakatitiyak ako na nakangiti si Nene nang makita niya ang mga ordinaryong indibiduwal – ang mga taong pinag-alayan niya ng kanyang buong buhay upang ipaglaban—na pumipila upang masulyapan sa huling pagkakataon ang kanilang bayani.
Si Nene ay isang likod bayan na may magiliw na damdamin at maalab na kalooban. Ang kanyang pagpanaw ay isang malaking kawalan sa bansa. Ngunit nagdiriwang ang langit dahil nagbalik na ang kanilang anak, na matagumpay sa naging misyon nito. Maiisip ko na lamang si Nene kasama ang dalawa kong kaibigan, sina Joker at Miriam na nagdedebate at nagtatawanan.
Lubos ang aking pakikiramay sa kanyang asawa, si Bing, sa kanyang mga anak, at lahat ng mahal sa buhay.
-Manny Villar