ISA sa biggest winners sa katatapos na QCinema International Film Festival awards night na ginanap sa Novotel Araneta sa Quezon City ang Babae at Baril, na co-production ng Cignal Entertainment and EpicMedia.
Iniuwi nito ang top honors kabilang ang Best Director ni Rae Red, Best Actress ni Janine Gutierrez at ang Gender Sensitivity Award.
Pinakamalaki ang QCinema International Film Festival ngayong taon sa itinampok na mahigit 70 pelikula, kabilang ang mga bagong gawa at umaani ng international acclaim. Isa ang Babae at Baril sa tatlong pelikulang Pilipino na kasali sa main competition ng festival na “Asian Next Wave”.
Ang Babae at Baril ay kuwento tungkol sa nameless na saleslady sa isang department store na walang reklamong namumuhay at nagtatrabaho bilang minimum wage earner, mula sa mahabaang pila sa sakayan papunta ng trabaho at pauwi ng tirahan, ang pang-aapi ng manager, ang abusadong pangangapkap ng security guard sa kanyang katawan hanggang sa pakikisama sa mga abusadong kustomer.
Walang pagkakaiba ang mga nararanasan niya sa trabaho at sa kanyang buhay sa labas nito, dahil madalas siyang napapaswitan ng mga nag-iinuman habang naglalakad pauwi, at laging pinagbabantaan ng kanyang landlord na paaalisin tuwing sumasala sa oras ang pagbabayad niya ng upa.
Pagdating sa tirahan, ang inaabutan niya ay ang kanyang roommate na walang pakialam sa kanya.
Kumulo ang lahat ng umiinit na sitwasyon sa buhay niya nang may makuha siyang baril sa basurahan. Bigla siyang nakaramdam ng kapangyarihan para lumaban, gawin ang lahat ng gusto niyang gawin, at sumagot sa sinuman, at manakit kung kinakailangan.
Umaani ang Babae at Baril ng magagandang review. Ayon sa Rappler.com, ito ay, “brimming with relevant and radical insight. It doesn’t just take exquisite skill to make a film like Babae at Baril. It takes courage.”
“Our recent win at the QCinema International Film Festival has inspired us to produce more content that will not only reflect the realities of Filipino life and our culture but also strive to create works of lasting social significance,” pahayag ni Jane Basa, presidente at CEO ng Cignal Entertainment.
-DINDO M. BALARES