UPANG mabigyan ng suplay ng tubig ang ilang mga liblib na barangay sa Mindanao at Palawan, nakatakdang maglunsad ang Mindanao Development Authority (MinDA) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ng isang $500-million Mindanao Rural Water Supply project sa Nobyembre 22, sa lungsod ng Davao.

Layunin ng programa na makapagtayo ng Solar-Powered Water Supply and Desalination Facilities sa mga barangay sa Mindanao, kabilang na rin ang mga islang probinsiya ng Sulu at Palawan, ayon sa pahayag ng MinDA nitong Lunes.

Ayon sa MinDa, nabuo ang proyekto matapos mapagkasunduan nina DILG Secretary Eduardo Año at MinDA Secretary Emmanuel Piñol ang pagsisimula ng malaking proyekto sa isang inter-agency meeting.

“Soon, each barangay in Mindanao, Sulu and Palawan will have clean water for drinking and irrigation,” pahayag ni Piñol.

Iaalok naman ang solar-powered water supply project sa tatlong package.

Ang unang package ay ang solar-powered rural combo water program, na magbibigay ng tubig inumin at ang labis ay ibibgay para sa maliliit na proyektong irigasyon para sa mga magsasaka at backyard livestock project.

Makatatanggap naman ang mga coastal at island communities ng solar-powered desalination water project, habang ang solar-powered irrigation systems, na siyang ikatlong package ay para sa palay at high-value crops.

Tinatayang nasa $500 million loan mula sa Israel ang gagamitin upang pondohan ang proyekto, na idaraan sa Development Bank of the Philippines (DBP).

“All governors and mayors of towns and cities of Mindanao, including, Palawan, are expected to be present during the rollout of the program,” pagbabahagi ni Año.

Ayon sa MinDA, maaaring kumuha ang local government units (LGUs) ng loan na may “concessional interest rates” at pagkakalooban din ng capacity-building training upang maipatupad ang mga proyekto bilang income-earning economic enterprise.

Sinabi naman ni Piñol na ito ang unang malaking proyekto na tutugon sa kambal na problema ng mga liblib na barangay—tubig bilang inumin at tubig para sa irigasyon.

“The availability of safe drinking water is necessary for better health of rural people while the excess water for irrigation improves agricultural productivity,”ayon pa kay Piñol.

PNA