DEHADO sa papel, ngunit hindi sa determinasyon.
Nakumpleto ng University of Santo Tomas ang makasaysayang come-from-behind nang gapiin ang liyamadong Ateneo sa winner-take-all Game Three, 4-3, para makopo ang UAAP Season 82 Juniors' Baseball crown nitong Martes sa makasaysayang Rizal Memorial Baseball Stadium.
Kulelat sa nakalipas na taon, matikas na umariba ang UST batters upang makausad sa championship round at maisalba ang Game 2 tungo sa ikalawang kampeonato sa nakalipa sna tatlong taon.
"Overwhelming, yun lang masasabi ko. Lahat ng credit sa laro na ito ay sa mga bata. Lumaban sila," pahayag ni Junior Golden Sox head coach Jeffrey Santiago.
Angat lamang ng isang puntos sa seventh inning, 4-3, nagawang ma-struck out ni UST pitcher John Rafael Regalado ang unang dalawang batters ng Ateneo, bago nakarating sa base sina Ezekiel Laygo at Marcel Guzman. Tangan ang two on at two outs, naisahan ni Regalado si Dax Fabella para mapigilan ang Ateneo tungo sa panalo.
"Na control ng pitcher ko yung laro. Sumusunod naman siya saka nakondisyon talaga yun, matibay ang pitcher ko eh si Regalado at saka alam kong humihina na yung pitching ng Ateneo kaya pina-bunt ko na kasi napansin ko last game, hindi makuha ng pitcher kapag nag bunt kami," sambit ni Santiago.
"Kapag naka-hit sila malamang talo kami, sabi ko tirahin natin nang tirahin ng curveball, noong hinabol nila, strikeout. Magaling talaga ang pitcher ko."
Tinanghal na Finals MVP si Regalado, humirit sa UST sa 7-3 panalo sa Game Two.