MAY bago nang Chief Justice (CJ) ang Supreme Court (SC) sa katauhan ni SC Associate Justice Diosdado Peralta Jr. na mula sa Laoag City. Hinirang siya ni Pres. Rodrigo Roa Duterte kapalit ni ex-SC Chief Justice Lucas Bersamin na nagretiro nitong Oktubre 18 sa edad na 70.

Sa kanyang pagreretiro, nais ni Bersamin na tawagin siya bilang “the healing justice” na naghangad na paghilumin ang mga sugat, intriga at di-pagkakaunawaan sa SC bunsod ng kung anu-anong isyu. Gayunman, may mga pilyong netizens ang nag-post sa Face Book na sa halip na “healing justice”, baka raw mas akma na tawagin siyang “Chef Justice.”

Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, nakatitiyak ang Malacañang na sa pagkakahirang kay Peralta, magiging mahusay ang pangangasiwa sa hudikatura at ipagpapatuloy ang mga prinsipyo ng judicial excellence, integrity at independence.” Sabad ng kaibigan kong sarkastiko: “Sana ay magkaroon ng integridad at kalayaan ngayon ang SC at hindi maimpluwensiyahan ng Ehekutibo.” Bakit nasabi mo ‘yan kaibigan?

Si Peralta kung inyong natatandaan ay isa sa pitong mahistrado na bumoto na patalsikin si ex-Chief Justice Ma. Lourdes Sereno dahil sa pagkabigong i-file ang ilan niyang Statements of Assets, Liabilities and Networth (SALN). Sa halip na impeachment, sinampahan siya ng quo warranto ng Office of Solicitor General para patalsikin.

Siya rin ang presiding justice ng Sandiganbayan at miyembro ng special division na nag-convict kay ex-Pres. Estrada ng plunder noong 2007. Isa rin si Peralta sa justices na bumoto sa legalidad ng pag-aresto kay Sen. Leila de Lima, sa deklarasyon at extension ng martial law sa Mindanao at sa pagpapahintulot na malibing sa Libingan ng Mga Bayani ang labi ni ex-Pres. Marcos.

--ooOoo--

Pinayuhan ng mga doktor si PRRD na magpahinga ng ilang araw matapos dumanas ng “unbearable pain” habang dumadalo sa koronasyon ni Japanese Emperor Naruhito. Ayon kay Sen. Bong Go, ang pananakit ng spine o gulugod ng Pangulo ay sanhi lamang ng muscle spasms. “Walang dapat ikabahala sa kalusugan ng Pangulo,” sabi ni Go na bukod sa pagiging Senador ay umaakto ring tagapagsalita ni Mano Digong paminsan-minsan.

--ooOoo--

Hindi natatakot na sumailalim sa lifestyle check ang tatlong kandidato sa pagka-Hepe ng Philippine National Police (PNP). Handa sina PNP OIC Lt. Gen. Francisco Gamboa, PNP deputy for operations Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan at PNP chief for directorial staff Maj. Gen. Guillermo Eleazar, na suriin ang kanilang katayuan sa buhay, kabilang ang pinansiyal.

Dismayado ang ating Pangulo sa pagkakasangkot ng ilang pinuno at tauhan ng PNP sa pagre-recycle ng illegal drugs. Sila ang tinatawag na “ninja cops” na nagsisilbing mantsa sa magandang imahe at pangalan ng institusyon. Nais ng Pangulo ng isang tunay, matapat at malinis na Hepe ng PNP na hindi matutukso ng gayuma ng illegal drugs at iba pang mga krimen!

-Bert de Guzman