TINITIYAK na magpapaligsahan ng husto ang tig-limang imported at local gallopers na kalahok sa 6th PASAY ‘The Travel City’ Cup na may tumataginting na P700,000 na papremyo ngayong Linggo sa MetroTurf Racing Complex.

Ito ang sinasabing pinaka-exciting na labanan para sa taunang event na ang pinaka-highlight ay labanan ng mga imported at locals na mag-aagawan sa top prize na P420,000.

Ang mga imported runners ay kinabibilangan nina Truly Ponti, Stella Malone, Certain To Win, Garantisado, at Und Kantar habang ang mga locals naman ay sina Summer Romance, Victorious Colt, Scarborough Shoal, Metamorphosis, at Pangalusian Island. Ang distansya nito’y 1,600 meters.

Sa nakaraang limang taon, apat na imported na ang nakasungkit ng kampeonato at ito’y sina Atomicseventynine sa inaugural event noong 2014, Silver Sword (2015), Sakima (2016), at Tin Drum noong nakaraang taon. Si La Peregrina pa lang ang tanging local na nanalo sa pakarerang ito na nagsisimula ng pantaunang selebrasyon ng anibersaryo ng Pasay City.

‘Messenger.com,’ hindi na magagamit simula Abril 2026

Samantala, balikatan din ang limang kabayong kalahok sa 6th PASAY Rep. Tony Calixto Cup na kinabibilangan nina Toy For The Big Boy, The Accountant, Shanghai Grey, Boss Emong, at My Jopay. Meron ding nakatayang total guaranteed prize na P700,000 para sa 1,600-meter race na ito kung saan ang magkakampeon ay bibigyan din ng P420,000 at isang magarang tropeo.

Bakbakang umaatikabo rin ang inaasahang makita sa 5th Former Pasay OIC Mayor Eduardo ‘Duay’ Calixto Cup na meron nakalaang P300,000 guaranteed prize sa top four placers. Opisyal na mga kalahok dito sina Mark of Excellence, Top Attraction, Harapin Mo, To It’s Si Bing, Union Run, Miss Campbell, at Queensboro. Ang mananalo sa karerang ito na paglalabanan din sa 1,699 meters ay tatanggap ng top prize na P180,000 at isang magandang tropeo.

Nakatakda ring paglabanan sa Linggo ang mga sumusunod na meron ding mga added prizes at tropeong nakahanda sa mga mananalo: Pasay City Mayor Emi-Calixto Rubiano Trophy Race; Pasay Vice Mayor Noel del Rosario Trophy Race; Coun. Mark Calixto Trophy Race; Pasay City Engineer’s Trophy Race; Pasay City Councilors District I Trophy Race; Pasay City Councilors District II Trophy Race; Pasay City Barangays Trophy Race; at ang Resorts World Manila Trophy Race.

Tinangkilik at lagi nang inaabangan taun-taon ng mga racingfans ang PASAY ‘The Travel City’ Racing Festival dahil sa ganda ng lineup ng mga karera sa buong maghapon at dinudumog ang MetroTurf dahil na rin sa maghapong pa-raffle ng magagandang papremyo bawat karera. Mas pinadami pa sa Linggo ang mapapanalunang mga papremyo ng mga masuwerteng mananalo sa karerahan.