HINDI na kataka-taka sa amin ngayon ang sold-out shows ng all-Filipino music festival na One Music X (1MX) sa Singapore, United Arab Emirates at Dubai. Nasaksihan namin sa press conference para sa 1MX na itatanghal na sa wakas dito sa Pilipinas ang napakasayang samahan ng ilan sa top acts ng Original Pilipino Music na kasali sa music fest.

kz

Nagbanda rin ang inyong lingkod noong college years, kaya alam namin ang dynamics sa backstage. Kung fluid at walang yabangan ang samahan ng banda at maging sa mga kapwa banda, tiyak na mas masisiyahan ang audience.

Present sa presscon sina KZ Tandingan, Darren Espanto, Sandwich, Itchyworms, Agsunta, at Mayonnaise, pero sa pinakahihintay na 1MX na gaganapin sa November 22 sa Centris Elements sa Quezon City, kukumpletuhin ang buong grupo nina Yeng Constantino, IV of Spades, at maraming surprise guests.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Panay ang pabirong hamunan ng boodle fight ng Mayonaise at Agsunta, na alam ng kanilang fans na halos lahat ng members ay malalaki ang kaha. Kalaunan, nadamay na rin sa hamunan ang Sandwich, Mayonnaise at Itchyworms, at pati na sina KZ at Darren.

Na-reveal din nang hindi sinasadya ang nasa likod ng matatag na pagsasama ng Itchyworms kahit na may solo career ang bokalista nilang si Jugz Jugueta. Mahigit 20 taon na ang banda nila pero kahit kailan ay hindi pa sila inindiyan ni Jugz.

“Dumaan na kami sa lahat, lumusong na kami sa baha, sa putik, ngayon pa ba kami magkakahiwa-hiwalay?” anila.

Samantala, isa sa mga inaabangan sa live performance circuit si KZ Tandingan dahil tinitiyak niyang iba ang mapapanood sa kanya sa stage kumpara sa mga naririnig lang sa kanya sa mga theme song sa teleserye at pelikula.

“Mas nailalabas ko ang topak ko sa stage,” kuwento ni KZ.

Ang topak mismong ito ang ipinupunta ng concert-goers sa live performances niya.

“Masarap sa pakiramdam na naa-appreciate nila ang artistry ko.”

Enjoy si KZ sa collaborations niya sa iba’t ibang musikero.

“Lahat ng artist na nakakasama mo meron kang matututunan.”

Kaya may nagbiro kay Darren kung may balak ba siyang makipag-collaborate kay Manila Mayor Isko Moreno na laging viral sa pagsasayaw nito sa paboritong Dying Inside.

Samantala, ipinaliwanag ni Jonathan Manalo kung bakit ngayon pa lang isasagawa sa Pilipinas ang 1MX.

“Deliberate na gawin ‘yong first dates niya outside the Philippines para magkaroon siya ng image na global,” sabi ng Star Music audio content head. “Very strategic na magsimula muna outside the Philippines and then iuwi natin.”

Ginanap ang One Music X sa Dubai noong 2017, sumunod ang Abu Dhabi, UAE noong 2018, at nitong nakaraang Mayo naman itinaghal sa Singapore.

May vision sila na ilibot ang 1MX festival sa iba’t ibang bansa upang maipakilala sa mas malawak na market ang OPM.

“Vision ng 1MX na magkaroon tayo ng festival na puwede nating i-export saan man sa mundo. Ito ‘yong vision natin na lumaki siya nang lumaki hanggang madala natin ang festival na ito sa iba’t ibang parte ng mundo,” pahayag ni Jonathan.

Ang One Music X ay pinatatakbo ng Star Music, MOR 101.9 For Life, MYX Philippines, One Music PH at The Filipino Channel (TFC).

-DINDO M. BALARES