NEW ORLEANS (AP) — Nakabutas na ang Golden State Warriors.
Sa pangunguna nina Stephen Curry na may 26 puntos at 11 assists at Draymond Green na kumana ng triple-double – 16 puntos, 17 rebounds at 10 assists – nasungkit ng Warriors ang unang panalo ngayong season sa impresibong 134-123 desisyon laban sa New Orleans Pelicans nitong Lunes (Martes sa Manila).

Nag-ambag si D'Angelo Russell ng 24 puntos, habang kumana si Damion Lee ng 23 puntos para sa three-time champion.
Nanguna si Brandon Ingram sa Pelicans na may 27 puntos at 10 rebounds, habang tumipa si first-round draft pick Jaxson Hayes ng 19 puntos.
Hindi pa nananalo ang Pelicans na sadsad sa pagkawala ng top rookie pick na si Zion Williamson bunsod ng injury. Hindi rin nakalaro sina veteran guard Jrue Holiday (sprained left knee) at starting center Derrick Favors (right knee soreness).
Sa iba pang laro, hataw sina Khris Middleton na may 21 puntos at George Hill na may 19 puntos sa panalo ng Milwaukee Bucks sa Cleveland Cavaliers, 129-112.
Sa Toronto, ginapi ng Raptors, sa pangunguna nina Kyle Lowry na may 26 puntos at Pascal Siakam na may 24 puntos, ang Orlando Magic, 104-95; Naisalpak naman ni Derrick Rose ang driving layup sa huling 28.3 segundo para sandigan ang Detroit Pistons sa 96-94 panalo kontra Indiana Pacers.
Hataw si Bobby Portis sa naiskor na season-high 28 puntos, tampok ang go-ahead three-pointer may 1:47 ang nalalabi para maungusan ng New York Knicks ang Chicago Bulls, 105-98; habang ratsada si Kawhi Leonard na may 30 puntos, pitong rebounds at anim na assists sa 111-96 panalo ng Los Angeles Clippers sa Charlotte Hornets; naisalpak naman ni Donovan Mitchell ang 25 puntos, tampok ang game-winning free throw sa huling 0.4 segundo para maisalba ang Utah Jazz kontra Phoenix Suns, 96-95.