“INUULIT lamang niya ang mga kasinungalingan at black propaganda ng kanyang mga kaalyado sa political opposition,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Ito ang kanyang reaksyon sa panawagan ni Vice-President Leni Robredo na pahintulutan na ni Pangulong Duterte ang United Nations na imbestigahan ang kanyang war on drugs at tigilan na ang kanyang nakamamatay na kampanya na hindi naman naging matagumpay. Maliwanag na bigo ito kasi, aniya, hindi naman napigil ang pagkalat ng droga sa kabila ng mga grabeng pananakot ng Pangulo sa mga sindikato ng droga at drug lord.
Pero, ayon kay Panelo, walang batayan ang sinasabi ni VP Robredo at hindi kinikilala ang tagumpay ng war on drugs. Batay sa datos ng gobyerno, aniya, mahigit isang daang milyong drug personalities ang sumuko mula noong 2016, kalahating milyon ang sumailalim sa rehabilitation program at mahigit na 35 bilyong pisong halaga ng mga ilegal na droga, chemicals at equipment ang nasamsam. Pero, ang mga ito ay hindi sapat na batayan para ipangalandakan mo na naging matagumpay at nagtatagumpay ang kampanya laban sa droga. Kasi, tulad ng sinabi ni VP Robredo, ang higit na tinatamaan ng kampanya ay ang mga dukha at hindi ang mismong network ng droga.
Para sa akin, dalawang mabigat na dahilan kung bakit malayong magtagumpay ang kampanya laban sa droga kahit ginagamitan na ito ng lahat ng klaseng pananakot at karahasan. Una, napakalakas ng mga taong sangkot sa negosyo ng droga. Dahil nasa droga ang pera, kaya ng mga ito na ihanap ng anumang paraan para mailabas sa hayag o tagong pamilihan ang kanilang produkto. Kabilang na rito ay kung paano nila makukuha ang kooperasyon ng mga nasa gobyerno, nasa mababa man o mataas na posisyon. Ikalawa, ang nangyari sa kaso ni dating PNP Chief Oscar Albayalde. Nasisiguro ko na hindi lang sa kanya nangyari ito at nangyayari pa hanggang ngayon. Epekto ito ng pagkasira ng morale sa public service. Kung pinagkakakitaan ito ng mga kapwa naming na nasa gobyerno, lalo na iyong nakatataas sa amin, bakit naman hindi naming pagkakakitaan ang mga nahuhuli naming droga. Kaya, kakaltasan ng mga pulis o sinumang operatiba ang kanilang nasabat na droga upang sila naman ang magbenta nito. Kahit ba bilyun-bilyong droga ang nakumpiska ng war on drugs na ipinagmamalaki ni Panelo, o milyon ang nagsisuko o dumaan sa rehabilatasyon, hindi pa rin mauubos ang droga na kakalat sa bansa para maging dahilan naman ng pagpaslang sa mga dukhang gumagamit at ginagamit na panghanap buhay ang droga. Hindi makatwiran ang pinagpapapatay sila.
-Ric Valmonte