NAKU PO!
TILA hindi magiging madali sa Gilas Pilipinas ang pagdepensa sa men’s basketball title sa 30th Southeast Asian Games sa Disyembre.
Hindi nagpahuli at seryosong contender sa biennial meet ang Indonesia matapos kunin bilang ‘naturalized player’ ang dating PBA import at East Asia League Terrific 12 standout na si Lester Prosper.
Naglaro si Prosper sa Columbian Dyip at inaasahang magiging sakit ng ulo ng Gilas sa pagbabalik-aksyon sa Manila suot ang National jersey ng Indonesia sa SEA Games.
Orihinal na target ni Indonesia ang isa pang dating PBA import na si Denzel Bowles, ngunit nagkaroon umano ito ng problema sa pamunuan ng Indonesian National Team.
"I am ready to share my knowledge and help these guys get a more winning mentality," pahayag ni Prosper sa panayam sa Jakarta at usap-usapan ngayon sa social media.
"They (Indonesians) work so hard and are very smart, but I am here to help change the culture," aniya.
"I wish Denzel nothing but the best," pahayag ni Prosper patungkol kay Bowles na nakaharap niya sa PBA bilang import noon ng Rain or Shine.
Si dating Gilas Pilipinas coach at ngayo’y Indonesian mentor Rajko Toroman ang personal na kumausap kay Prosper para maging ‘naturalized player’.
Sinundan ni Toroman si Prosper sa East Asia League Terrific 12 sa Macau nitong Setyembre kung saan naglaro ito bilang import kasama si Dezmine Wells para sa San Miguel Beer.
Sa tulong ni Prosper, umabot sa semifinals ang Beermen.
"Coach to me is super cool and is a more of a system guy. I know his reasoning for that, so I will play my game and also do it within his system," sambit ni Prosper.