Hindilang sa Pilipinas pinagpiyestahan ang nangyaring eskandalo ng pamilya Barretto sa lamay ng patriarch na si Miguel Barretto isang linggo na ang nakararaan. Nai-publish na rin sa digital edition ng Hong Kong-based news publication na South China Morning Post noong October 7 ang komosyon ng mga Barretto sa harap mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa section nitong This Week In Asia, naka-headline ang: “How Gretchen and Marjorie Barretto feud shocked Rodrigo Duterte and transfixed Filipinos”
Inilahad ng awtor na si Alan Robles ang banggaang naganap sangkot ang magkakapatid na Gretchen, Marjorie, at Claudine Barretto sa burol ng kanilang ama.
Nakasaad dito kung paano nabigo si President Duterte na pag-ayusin ang magkapatid na Gretchen at Marjorie.
Umabot sa puntong ang presidential security guards na ang tumulong sa pag-awat sa sumunod na komosyon sangkot ang iba pang kaanak ng magkakapatid na Barretto.
Isang source, na malapit daw sa pamilya Barretto, ang naglarawan na tila riot sa sabungan sa tindi ng sigawang naganap sa burol at sa mismong harap pa ng Pangulo.
Sa bersiyon ni Gretchen, pagdating pa lang niya sa burol ng ama ay nanggagalaiti na sa galit si Marjorie dahil sa presensiya ng socialite-actress.
Hindi raw siya nanggulo.
Ani Gretchen, naging emosyunal lamang siya nang madamdamin silang nagkausap at nagkaayos ng inang si Inday Barretto matapos ang anim na taon nilang hidwaan.
Sa bersiyon naman ni Marjorie, maayos siyang tumanggi sa Pangulo na hindi makipag-ayos kay Gretchen dahil nakikita raw niya sa mga mata ni Gretchen na hindi ito sinsero.
Inamin din daw ni Marjorie sa Pangulo na malaki ang sugat na dala ng mga atrasong ginawa umano ni Gretchen sa kanilang pamilya.
Pinuna rin sa artikulo ng South China Morning Post ang local media reports tungkol sa sanga-sangang isyung naungkat dahil sa alitan nina Gretchen at Marjorie.
Partikular na rito ang isyu sangkot si Gretchen at pamangking si Nicole, na nagpakawala ng akusasyong pang-aagaw umano ng socialite-actress sa ex-boyfriend nitong si Atong Ang.
Pinanindigan ni Marjorie na saksi siya sa limang taong relasyon ni Nicole kay Atong at ang sakit na dinanas umano ng pamangkin nang agawin umano ni Gretchen si Atong.
Pero mariing pinabulaanan ni Atong ang isyung agawan.
Paliwanag ni Atong, wala silang relasyon ni Gretchen. a kaso ni Nicole, sinabi ni Atong Ang na “as is” na lang kung anuman daw ang sinabi nito na naging ugnayan nila noon.
Hindi rin nakaligtas sa international news publication kung paano pinag-usapan nang husto ang Barretto family feud, na dalawang beses ipinalabas sa TV Patrol.
Saad sa artikulo ng international news publication: “Filipinos have been transfixed by the outbursts and confessions by actresses Gretchen, Marjorie and Claudine over men and money.”
Kaya’t pati raw ang Philippine government agency na Department of Transportation ay naglabas ng “road safety tips” sa drivers na hindi mapigilang makibalita sa word war nina Gretchen at Marjorie.
Sa bandang dulo ng artikulo, isang Mindanao-based journalist na nagngangalang Jun Ledesma ang umapela na sana ay bigyan din ng pansin ang mas mahahalagang isyung kinakaharap ng bansa kaysa sa sigalot ng Barretto family.
-ADOR V. SALUTA