NEW CLARK CITY - Optimistiko si Marestella Torres-Sunang na makakapagbigay ng kanyang huling tagumpay sa 30 edisyon ng Southeast Asian Games matapos sungkitin ang gintong medalya sa long jump event sa ginanap na Test Event ng athletics Sabado ng umaga sa New Clark City.
Itinala ng SEA Games long jump record holder na si Torres-Sunang ang layo na 6.20 metro sa ikalima nitong talon upang biguin ang mga dumayong karibal mula sa Thailand at Vietnam.
“Medyo nakakabawi na sa kumpiyansa,” sabi ni Torres-Sunang, na huling nagkasya sa tansong medalya sa 2017 Kuala Lumpur SEA Games na napanalunan ni. Bui Thi Thu Thao ng Vietnam sa 6.68m at ikalawa si Maria Natalia Londa ng Indonesia sa 6.47m.
Binigo ni Torres-Sunang si Chuaimaroneng Parinya ng Thailand na nagtala ng 6.17 metro sa ikalimang pagtalon habang ikatlo si Vu Thi Ngoc Ha ng Vietnam na may isinumiteng 6.02 metro.
“Iba na kasi ang laro ko dahil medyo nag-aadjust na ako kasi hindi na makuha sa bilis sa pagtakbo so gumagawa na lamang ako ng markings kung saan ako dapat na magstart ng pagtalon or iyung pag-float ko,” sabi ni Torres-Sunang, sa inaasahan nitong matagumpay na huling paglalaro para sa pambansang koponan.
Ang gintong medalya ni Sunang ang tumabon sa maagang dominasyon ng Thailand na nagawang agad iuwi ang dalawang nakatayang gintong medalya sa Discus Throw women at High Jump women.
Inihagis ni Insaeng Subenrat ang layo na 56.99 metro sa ikaanim at huli nitong paghagis para sag into habang nagkasya lamang sa pilak at tanso ang dalawang Pinay na sina Daniella Daynata at Aira Teodosio.
Humagis si Daynata ng 38.53 metro sa ikalawa nitong hagis habang may 37.49 metro naman si Teodosio.
Wagi sa high jump women si Wanida Boonwan ng Thailand sa tinalon nito na 1,79 metro habnag ikalawa sa Pham Thi Diem ng Vietnam sa 1.77 metro. Ikatlo si Yap Sean Lee ng Malaysia sa 1.71 metro.
Hindi naman naisagawa ang ibang laro na nakatakda sa unang araw ng laro sa athletics partikular sa running dahil hindi naikabit ang mga kinakailangang gamit na pang-teknikal.
Ang 30th SEA Games hosting ay suportado ng: Platinum sponsors - Ajinomoto, Philippine Amusement and Gaming Corporation, MG Cars, Philippine Airlines, Skyworth and CooCaa. Gold Sponsors - MasterCard, Milo, Pocari Sweat, NLEX, PInco and Rzaer. Preferred - Asics, SM Lifestyle Inc. and BMW. Prestige - Molten and Mikasa. Banking Partners - Chinabank and PNB. Media Partners - Bombo Radyo, Star FM and the Inquirer Group, CNN, United Neon and DOOH. Host Broadcaster - NEP. Official Broadcaster - Sports and Action, TV 5, Cignal, ESPN and PTV 4. Annie Abad