MULING nagdala ng karangalan sa bansa ang magkapatid na Jeremiah Luis S. Cruz at Daniella Bianca S. Cruz ng Malolos City sa katatapos na 2nd Pattaya Chess Club Open 2019 age group chess championship na ginanap sa Bay Beach Resort in Pattaya, Thailand mula Oktubre 19 hanggang 23.
Ang 14 anyos na si Jeremiah Luis na grade 9 (Guevarra) pupil ng City of Malolos Integrated School Sto. Rosario ay nakalikom ng 6.0 na puntos sapat para manguna sa Under 14 category(1st Runner Up 14 Under Boys - Trophy at -5th Overall Standing 16 Under Open).
Hindi naman nagpahuli ang nakababatang kapatid na si Daniella Bianca na grade 3 (Carlos) student ng City of Malolos Integrated School Sto. Rosario na umeksena naman sa Girls Under-8 category (2nd Runner Up 8 Under Girls - Trophy at 8th Overall Standing 8 Under Open) sa pagkamada ng 5.5 puntos.
Ang kampanya ng magkapatid na Cruz sa lokal at internasyunal chess tournament ay suportado nina dating Malolos Coty mayor Christian "Agila" Natividad, Bulacan Sports Guru Jose Anthony Villanueva, CMIS Sto. Rosario Principal IV Dr. Helen B. Aggabao, GLeague at sa buong DepEd Malolos sa pangunguna nina Dr. Zurex T. Bacay at Dr. Norma P. Esteban, Division Schools Superintendent.
Produkto ng sports program ni dating Malolos City mayor Christian "Agila" Natividad at ng pamosong Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) ni Grandmaster Jayson Gonzales kung saan ang magkapatid na Cruz ay muling masisilayan sa pandaigdigang torneo sa pagtulak ng Eastern Asia Juniors and Girls Chess Championships na iinog sa Disyembre 9 hanggang 16 na gaganapin sa Lima Park Hotel sa Malvar, Batangas kung saan ang magsisilbing chief organizer ay si Fide Arbiter Ricky Navalta sa pakikipagtulungan ni International Arbiter Casto Abundo.-Reden A. Cruz-