PABORITO si KZ Tandingan ng One Music X (1MX) Music Festival dahil sa apat na taon itong ginagawa ay parating kasama ang Asia’s Soul Supreme kaya tinanong namin kung bakit siya paborito.
“Hindi ko rin po alam, basta ginagawa ko lang po ang best ko parati every time na ini-invite ako sa 1MX Festival,” saad ng dalaga na kakaiba ang get-up nu’ng presscon ng nasabing music festival.
Hirit namin na marami kasi siyang fans kaya lagi siyang kasama sa line-up ng 1MX.
“Hindi ko po alam, sakto lang. Eh basta po hindi ko alam, kung saan ako tinawag ako ng 1MX, nandoon ako,” nakangiting sagot ni KZ.
Sa nasabing festival ay hindi naman kailangan puro kanta nila ang kakantahin nila dahil hinahanapan din sila ng covers ng mga manonood.
“Halu-halo po, actually iyon po ang kagandahan sa 1MX na you can do whatever you want, you can sing whatever you want. Ako po nag-start sa singing competition so na-introduce kami sa mga taong kumakanta ng covers ganyan kaya kahit paulit-ulit kaming nagre-release ng originals hinahanap pa rin ng mga tao ‘yung covers (song) namin.
“Pero sa banda tulad ng Mayonnaise at Itchyworms, ang hinahanap sa kanila mga original (songs) nila kasi doon sila nakilala. Kami halong covers at originals namin kasi doon din kami nakilala,” paliwanag mabuti ni KZ.
Kadalasan sa isang set ng bawa’t performer ay inaabot ng 45 minutes to 1 hour pero sa 1MX daw ay mas mahaba sila kaya baka puwedeng isang oras at kalahati sa bawa’t singer.
“Sana mas mahaba po kasi mas masaya, kasi pag 45 minutes, mga 7-8 songs lang ako kasi mahilig akong tsumika pa,” sambit pa.
Parati raw kasama ni KZ ang banda niya at maski sa ibang bansa kung saan unang ini-launch ang IMX ay ang banda niya ang tumutugtog sa ibang kasama ring singers tulad nina Inigo Pascual, Maris Racal at Moira.
Nabanggit din ng mang-aawit na sobra niyang nae-enjoy ang mga music festival dahil nailalabas niya ang topak niya sa entablado.
“Kasi po mas wild ang mga tao, doon sila nakikinig ng music talaga at doon ko po nailalabas talaga ang pagiging artist ko pagdating sa music festival.
“Ang hindi ko po makakalimutang festival ng 1MX ay ‘yung sa Abu Dhabi, iyon po ang isa sa pinaka-wild talaga na sobrang saya po talaga kahit pawis na pawis na kami at kahit pinagbabawalan kaming bumaba (sa audience) kasi sobrang warm ng mga tao, gusto mo silang lapitan. Halo po ang audience, iba sa kanila ibang lahi na ini-invite ng mga Filipino tapos after no’n naging interesado na sila sa Filipino artists,” kuwento ni KZ.
Sa Dubai nagsimula ang 1MX noong 2017 at plano itong ilibot sa ibang bansa, ayon kay Audio Content Head na si Jonathan Manalo.
Makakasama sa 1MX music festival bukod kay KZ ay ang bandang Mayonanaise, Agsunta, Itchyworms, Sandwich, 1V of Spades, Darren Espanto at Yeng Constantino na gaganapin sa Centris Elements sa Nobyembre 22, Biyernes. For tickets inquiries ay mag-log on sa www.ticketnet.com.ph.